Matindi man ang mga eksena at drama sa Kapuso hit series na "Onanay," sa likod naman ng camera ay puno ng kulitan at tawanan ang cast. Si Jo Berry, may Kapuso actor pala na kinakikiligan. Alamin kung sino siya.

Sa Star Bites report ni Luane Dy sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, labis ang pasasalamat ng cast sa mainit ng pagtanggap ng mga manonood sa serye na dalawang linggo pa lamang napapanood gabi-gabi sa Kapuso primetime.

"Sobrang grateful po ako and alam ko sobrang blessed ako. Kasi 'yung pinaka-main goal ko nu'ng binigay sa akin 'yung project as Onay is to inspire other people," ayon kay Jo.

Patuloy niya, "Tapos ngayon po, 'yon 'yung nangyayari at natatanggap naming feedback. So sobrang saya po namin, nakakataba ng puso."

Sina Mikee Quintos at Kate Valdez, ikinuwento na binibiro nila si Jo at tinatawag na "primetime little star" dahil sa mataas na ratings na nakukuha ng kanilang serye.

Aminado naman si Rochelle Pangilinan, na araw-araw nilang ipinagdadasal ang makapagbigay ng aral ang kanilang serye.

Pero kahit madrama ang mga tagpo sa "Onanay,"  kabaliktaran naman ang mga nangyayari sa likod ng camera dahil madalas silang magkulitan na kung minsan ay pinapangunahan pa mismo ni Jo.

"Ang gulo-gulo namin at masayang-masaya lang. Kasi ang gaan-gaan lang, magkakasundo lahat pati 'yung mga crew, staff, lalo na 'yung mga artista," sabi ni Rochelle.

"Maingay po ako. Nagrereklamo sila, makulit po, ganun," natatawang pag-amin ni Jo.

Pero nang matanong na si Jo tungkol sa kaniyang crush na Kapuso actor na si Ken Chan, kinilig na ang dalaga.

"Huwag na kasi," natatawang pag-iwas ni Jo.

Nang tanungin kung ano ang gagawin niya kapag nakita nang personal si Ken, natatawang sagot ni Jo, "Wala. Papa-cute lang ako." --FRJ, GMA News