Inihayag ng K-pop girl group na Momoland ang kagustuhan nilang bumalik sa Pilipinas para makapagtanghal sa kanilang Pinoy fans. Ang Kapuso broadcaster na si Jessica Soho, nakiindak din sa hit music na "Bboom Bboom."

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing personal na nakilala ng mga miyembro ng Momoland ang 8-anyos nilang fans na si AJ Natividad, na naging viral sa social media dahil sa mahusay niyang pagsayaw sa "Bboom Bboom."

Tinulungan ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" si AJ na makarating ng Maynila para makasama niya ang kaniyang mga idolo, na bilib na bilib sa husay niya sa pagsayaw.

WATCH: Momoland, aliw na aliw sa batang nag-viral dahil sa husay sa pagsayaw sa 'Bboom Bboom'


Sa "KMJS," sinabi ni Jessica na sinasayaw din nila ang "Bboom Bboom" sa kanilang zumba class kaya naman maging siya ay napaindak din.

Sa panayam ni Jessica, ikinuwento ng grupo ang labis nilang kasiyahan sa mainit na pagtanggap ng kanilang Pinoy fans.

"Everyone was so warm welcoming us and they're so nice and they all know our dance moves, our choreography and they follow our songs," sabi ni Nancy.

Hindi raw nila inaasahan na magiging ganito kasikat ang "Bboom Bboom" sa mga Pinoy.

"We didn't expect of any of these so it's actually really. we're so thankful for everyone that love our music," saad pa ni Nancy.

Pagkatapos ng kanilang pagbisita sa Pilipinas, balak daw nila magkaroon ng world tour ngayong taon ay nais nilang makasama ang bansa sa kanilang pupuntahan.-- FRJ, GMA News