Sa programang "Mars," ibinahagi ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang "lighter side" ng kaniyang buhay pati na kung papaano niya nakilala ang kaniyang misis na parang eksena sa pelikula o teleserye.

"Nag-i-schooling [ako] para sa intelligence noon siya naman ay intern sa crime laboratory namin kasi med-tech siya. We eat in the same small canteen, dun kami nagkita," kuwento niya "Mars" Suzi Abrera at LJ Reyes.

Natatawang patuloy ng hepe ng PNP, "Actually ang kuwento doon ang may crush sa akin pala yung classmate niya so ginawa sana siyang tulay. But then sinulot niya ako du'n sa classmate niya.'

Kuwento pa raw sa kaniya ng kaniyang misis, "When she saw me, sabi niya 'Ah eto na 'yung mapapangasawa ko.'

May paraan din daw si Albayalde kung paano niya nalaman noon kung may pag-asa siya sa isang babae.

"Basically kasi sa akin, I ask my full name sa babae. The first time 'pag na-meet ako, of course tatanungin niya yung pangalan ko, it's Oscar David Albayalde, it's a very long name. So I ask the girl to repeat my name."

"Kasi kung hindi naman siya interesado wala naman siyang pakialam dun sa ano mo [pangalan] 'di ba?," patuloy ng PNP chief sabay sabi na hindi madaling matandaan ang kaniyang apelido na Albayalde na puwedeng maging katunog ng Agbayalde, Agbayani, at iba pa.

Ikinasal si Albayalde at ang kaniyang girlfriend dalawang taon matapos itong makapagtapos. Nabiyayaan sila ng apat na anak.

Ang kaniyang bunsong anak at kaisa-isang babae ang nagpahayag daw na gustong sundan siya sa pagiging militar. Ngunit raw siyang walang "pressure" si Chief Albayalde sa mga anak.

"I want them to decide on their own," anang opisyal.

Ikinuwento rin ni Albayalde ang kaniyang mga hinaharap bilang PNP chief at mga pinagkakaabalahan, tulad ng hilig niya sa motorsiklo. Panoorin ang buong panayam sa video na ito ng "Mars."

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News