Matapos ang matagumpay niyang "Upsurge concert," muling mapapakinggan ang tinig ni Pambansang Bae at "Victor Magtanggol" star Alden Richards sa nakatakda niyang concert sa Setyembre.

 

 

Pinamagatang "Adrenaline Rush," handa na si Alden na magpakita ng mga intense production numbers at kaniyang mga hit at tracks sa GMA Records album na "Until I See You Again."

 

 

"Excited po ako rito kasi nu'ng sinasabi sa akin 'yung mga segment, kinakabahan po akong gawin sila lahat kasi medyo delikado siya. Mahilig po ako sa mga ganiyan, mga buwis-buhay," sabi ni Alden sa media conference ng concert sa Quezon City nitong Huwebes.

"Air" naman ang tema ng Adrenaline Rush concert, mula sa water-themed Upsurge.

"'Yung performances ko dito hindi the usual na ginagawa ko. 'Yung iba po siguro nagawa ko na during 'Party Pilipinas,' 'Sunday All Stars' days, na mga intense performance. 'Yung element po kasi ng concert ko is 'water', ito naman po nilagyan ng 'air' sa format," paliwanag niya.

Sinegunduhan ito ng direktor ng concert na si GB Sampedro. "Ito nasa air naman kami. Maraming pasiklab, sorpresa."

Ayon kay Alden, "There are singing parts, dancing parts and stunt parts. Mixed po, variety siya para colorful po 'yung show."



"Before po kasi I've done quite a few production numbers that involves dancing, singing and doing stunts at the same time, hindi siya madali. Kaya hands down po ako sa mga performer that do it flawlessly. Kasi mahirap na 'yung body movement mo is not aligned with the singing, nag-iiba po 'yung tono. So 'yun po ang challenge sa amin and most especially sa akin, how will I deliver po during those performances," patuloy ni Alden.

Sabi pa ni Alden, ini-explore na nila ang iba pang genres na labas sa kaniyang comfort zones. "Pumipili na po kami ng songs na medyo kakaiba naman pakinggan, kasi kahit ako po hindi ko po ma-imagine na kakantahin ang mga kantang 'yun."

Hindi naman daw magiging conflict ang taping ni Alden sa "Victor Magtanggol" at paghahanda para sa concert, at nagpasalamat siya sa mga tumutulong sa kaniya.

"Challenge po kasi 'yung concert ko unlike before, 'yun lang po kasi 'yung kinagisingan ko last year, wala siyang kasabayan, naka-focus po. Dito po kasi medyo kasabay ko 'yung soap pero what made it lighter naman po is the people behind the concert who's helping me also conceptualize. Mas napapadali po 'yung trabaho kasama sila," sabi ni Alden.

Kasabay ng concert ni Alden ay ang digital release din ng kaniyang "Until I See You" album na may five tracks.

"We try to create OPM songs na may element pa rin ng 'Alden Richards.' 'I Will Be Here' will be part of that, pero ngayon po majority of what's inside the album, original composition," saad niya.

Mapapanood ang "Adrenaline Rush" sa Kia Theater sa Setyembre 21.-- FRJ, GMA News