Nasangkot sa car accident ang Kapuso star at dating "Starstruck" Season 6 grand winner na si Klea Pineda nitong Miyerkoles ng gabi sa Quezon City.

Sa ulat ng GMA News "Saksi," sinabing pauwi na ang aktres at binabagtas ang Mindanao Avenue nang mangyari ang insidente.

Pa-U-turn umano si Klea sa Mindanao Avenue patungong Tandang Sora nang bigla siyang nabangga ng isang sasakyan.

Sinigawan umano ng nakabanggang driver si Klea, sinaklolohan ng kakilala na saktong napadaan sa lugar.

Napag-alamang walang lisensya ang nakabanggang driver na sasampahan ng kaukulang reklamo.

Ligtas naman si Klea na dating kasali sa telefantasyang "Encantadia" at mapapanood sa bagong Kapuso series na "Ika-5 Utos." -- FRJ, GMA News