Sa isang presscon nitong Miyerkoles, hindi naiwasan na hingan ng reaksyon ang Kapuso primetime queen na si Marian Rivera tungkol sa posibilidad na pasukin ng kaniyang mister na si Kapuso primetime king Dingdong Dantes ang mundo ng pulitika.

READ: Roxas, Sereno, Dantes, kabilang sa pinagpipilian ng oposisyon na pambatong senador sa 2019 polls

Lalo kasing pinag-usapan ang posibilidad na kakandidato sa 2019 mid-term election si Dingdong nang maibalita na kasama siya sa mga pinagpipilian ng oposisyon na ilalaban bilang senador.

Batay sa ulat, 18 pangalan ang nasa listahan ng mga pinagpipilian ng oposisyon pero babawasan pa ito dahil 12 lang ang kandidato sa pagka-senador.

Maliban kay Dingdong, kasabilang sa mga celebrity na nasa listahan ng pinagpipilian sina Agot Isidro,  Leah Navarro at Jim Paredes.

Sa press conference ng Kapusong Pinoy: Paskuhan at Kantawanan sa Anaheim nitong Miyerkoles na ginanap sa GMA Network, tumanggi si Marian na magsalita para sa asawa pagdating sa usapin ng pulitika.

"Siguro 'yung asawa ko na lang ang sasagot sa bawat kuwestiyon tungkol sa politika," saad niya.

Pero iginiit ng aktres na walang masama para sa isang tao na mangarap kung para ito sa ikabubuti ng kaniyang kapwa.

"At isa lang masasabi ko, ang tao walang masamang mangarap lalo na kung ikabubuti ng kapwa niya," saad ni Marian.

Natanong din kung susuportahan niya si Dingdong sakali ngang tumuloy ito sa pagtakbo.

"Asawa ko na lang ang tanungin niyo diyan, to be safe," nakangiti niyang sabi.

Kahit busy sa showbiz, aktibo si Dingdong sa community service sa pamamagitan ng kaniyang Yes! Pinoy Foundation (YPF) na tumutulong sa mga nangangailangan, partikular sa mga kabataan at maging sa mga biktima ng kalamidad. -- FRJ, GMA News