Ngayong napawalang-bisa na ng korte ang kasal nila ni Cesar Montano, handa na kaya si Sunshine Cruz na muling humarap sa altar kasama naman ang nobyong si Macky Mathay?

Sa ulat ni Arniel Serato sa PEP.ph nitong Miyerkoles, sinabing hindi lang isa kundi dalawa ang nagpasaya sa araw ni Sunshine nitong Martes, September 18. Una, ang pag-grant ng korte ng annulment of marriage nila ni Cesar, at ang pangalawa ay second anniversary nila ng kasalukuyang nobyo na si Macky.

Masaya rin daw si Macky sa naging desisyon ng korte sa annulment nina Sunshine at Cesar.

Ayon sa Kapuso actress, “Happy siya, happy siya, pero kanina hindi niya ako makausap nang matino. Kasi nga sobrang excited ako.

Kuwento pa niya, napaiyak siya sa sobrang saya, kasiyahan na matagal-tagal na raw niyang hindi naramdaman.

“Sobra talaga, kaya nga kanina when I called my mom, I was crying," aniya. "And she was also crying kasi alam rin niya ang hirap ko."

Apat na taon ang lumipas bago tuluyang i-grant ng korte ang annulment papers nina Sunshine at Cesar.

Nitong nakaraang linggo ay kumalat naman ang haka-hakang engaged na sina Sunshine at Macky dahil sa post ng huli sa Instagram kung saan kitang-kita ang singsing na suot ng aktres.

Pero paglilinaw ni Sunshine, promise ring lang ang kanyang suot bilang tanda ng pagmamahal ni Macky sa kaniya at hindi engagement ring.

Sabi ni Sunshine, hindi pa sila puwedeng magpakasal ni Macky dahil inaasikaso ng huli annulment sa una nitong asawa.

Sabi ng Kapag Nahati Ang Puso actress, "Ay, naku, matagal pa iyan [kasal], matagal pa." -- For the full story, visit PEP.ph