Gaganapin na bukas, Biyernes ang inaabangang "Adrenaline Rush" concert ni Alden Richards na kabilang sa mga guest ay sina Regine Velasquez at AiAi Delas Alas. Excited ding nagkuwento si Pambansang Bae sa paglabas ng mga Sang'gre sa fantasy-action series niyang "Victor Magtanggol."

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, nangako si Alden na pasabog na performances, all out na kantahan at sayawan ang makikita sa kaniyang concert na gaganapin sa Kia Theatre sa Araneta Center.

Bigatin ang mga celebrity guest performer niya tulad nina Asia's Songbird Regine Velasquez-Alcasid, AiAi delas Alas, Rodjun Cruz, Betong Sumaya, One Up at ang Ex Battalion.

"Above all else, ang makasama mo si Miss Ai at ang Asia's Songbird para mag-perform, isa 'yun sa nilu-look forward ko. At excited ako na kantahin ang bagong songs na naaral ko," ayon kay Alden.

Nagpapasalamat si Alden at ipinagdasal daw niya na hindi siya magkasakit para magawa niya ang lahat ng kaniyang commitment ngayong Setyembre, kasama na ang concert.

Samantala, labis naman ang pasasalamat ni Alden sa mga sang'gre ng "Encantadia" na sina Glaiza de Castro, Gabbi Garcia, Sanya Lopez at Kylie Padilla, sa pag-guest sa kaniyang pinagbibidahang serye na "Victor Magtanggol."

"Ibang klaseng feel 'yung naibigay ng mga sang'gre sa shooting daw ng 'Victor Magtanggol," para akong nagsu-shooting ng 'Encantadia.' Yun yung pakiramdam ko," ayon kay Alden.

"Abangan ninyo 'yung twist noon kasi kung ano iyong ine-expect ng mga tao hindi iyon ang mangyayari," masaya pa niyang kuwento na dapat umanong abangan ng mga manonood. -- FRJ, GMA News