Bukod sa upcoming movie, magsasama sa isang bagong comedy series sina Vic Sotto at Maine Mendoza kung saan gaganap muli silang mag-ama. Si Maine, aminadong nai-starstruck pa rin kay Vic.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nagsimula nang mag-taping sina Vic at Maine para sa comedy series na "Daddy's Gurl"

"Ibang approach ang ginawa namin dito. Para kaming nagsu-shoot ng pelikula," sabi ni Vic.

Bukod sa pagpapatawa, maaantig din umano ang damdamin ng mga manonood tungkol sa relasyon ng mga mga karakter nina Vic at Maine bilang mag-ama sa serye.

"Pang apat o pang lima na po namin na proyekto ito na mag-ama kami. Feeling ko hindi ko na po kaya na umalis sa piling niya bilang anak sa susunod," natatawang sabi ni Maine.

Aminado naman si Vic na tila bagay silang maging mag-ama ni Maine, na nagsimula pa noong kalyeserye ng "AlDub."

"Nagsimula kaming magtatay... Aldub pa lang magtatay na kami. Na-feel namin sa isa't isa na bagay kaming mag tatay," ani Bossing.

Pero kahit ilang beses na raw nagkatrabaho sina Vic at Maine, hanggang ngayon ay hindi pa raw 100 percent ang pagiging kompiyansa nila sa pagiging magka-eksena.

"Hindi talaga po mawawala yung pagiging intimidated ko sa kaniya [Vic]. Kasi po si bossing 'yan, bossing Vic. Kahit naman po siguro sino," ani Maine.

Sabi naman ni Vic, "Kahit naman ako kinakabahan, kahit na sino kaeksena ko. Lalo na si Maine. --FRJ, GMA News