Asahan ang mas matinding pagalingan sa pag-awit ng Top 6 Clashers para sa nalalapit na finals ng GMA singing competition na "The Clash" sa darating na weekend.

Ang Top 6 ay binubuo nina Anthony Rosaldo ng Valenzuela City; Garrett Bolden ng Olongapo City; Golden Cañedo ng Cebu; Jong Madaliday ng North Cotabato; Josh Adornado ng Cagayan de Oro at Mirriam Manalo ng Pampanga.

Hindi pa man natatapos ang "The Clash," aminado ang mga Clashers na marami nang naitulong at na-improve sa kanila nang dahil sa kompetisyon.

Anthony Rosaldo: "Para sa akin po, personally nabago ko 'yung pagtingin ko sa pangarap ko, na hindi imposible kung pagpapaguran mo 'yung gusto mo para ma-take mo. Ngayon po napakalapit na."

"And kahit dito pa lang po sa point na ito ng competition, alam ko somehow naabot ko na 'yung pangarap ko. I couldn't be more happier. Sobrang grateful po ako kaya nagpapasalamat talaga ako sa The Clash na nabigyan ako ng opportunity na mapasali sa prestihiyosong kompetisyon," dagdag pa ni Anthony.

 

 


Garrett Bolden: "Siguro po ang masasabi ko na nagbago sa akin is 'yung the way ko po na humarap sa tao dahil bago ng The Clash, kumakanta po ako pero medyo mahiyain po. Ngayon po nagkaroon ako ng confidence to show myself, to show my talent. 'Yun 'yung pinakamalaking nabago ko sa sarili ko at nabago ng The Clash sa akin."

 

 


Golden Cañedo: "Nagbago po 'yung takbo ng buhay ko. Noon po doon ako sa Cebu nagsi-singing contest, du'n lang po sa Cebu ako nakilala. Ngayon po kahit bata ako, andito ako at nakasama po ako sa Top 6. Noong nandoon po ako sa Cebu, wala po akong paki sa sarili ko, sa personalidad ko, sa pagkatao ko. Pero napunta po ako sa The Clash at tinuruan po nila ako paano i-guide ang sarili ko at paano makisalamuha sa ibang tao."

 

 


Jong Madaliday: "Natuto po akong makisalamuha sa mga iba't ibang tao kasi sobrang shy ko po. Sa The Clash ko po natutunan 'yung confident na tinatawag."

 

 


Josh Adornado: "Para po sa akin, before po nu'ng sumali ako ng The Clash, 'yung intensity feeling ko po 'pag gigil ka masyado maganda 'yung kinakalabasan. Naturo po sa akin ng The Clash na the more you are relaxed on stage, mas nabibigay mo 'yung tamang message po ng kanta. 'Yun po ang natutunan ko dito."

"And also dealing with bashers... Natutunan ko pong you just have to stick to your gut po na alam ko pong naniniwala ka sa sarili mo and you are doing your best at wala kang tinatapakang tao. Masaya po akong nashe-share 'yung talent ko sa iba," dagdag ni Josh.

 

 


Mirriam Manalo: "Personally po para sa akin pinakanabago ko po is 'yung patience ko. Kasi talagang kapag nandito ka sa industriyang ito, kailangan talaga mahaba 'yung pasensya mo. And also sa lahat po ng pinagdaanan naming workshops, talaga pong maraming nabago sa akin, maraming na-improve. Marami pong opportunity na naibigay sa akin 'yung GMA para mas maging mas magaling sa industriyang ito."

 

 

Mula sa Top 6, maglalaban-laban ang mga contenders para sa Top 5 sa Sabado. Ang Top 5 naman ang mag-aagawan ng korona sa Linggo para tanghaling grand winner.

Ang tatanghaling grand winner ay magkakaroon ng exclusive management contract sa GMA Network, P1 milyong cash, brand new car at Bria house and lot. -- FRJ, GMA News