Natutuwa ang aktor na si Rodjun Cruz dahil sa wakas, magkasama na rin sila ng kaniyang kapatid na si Rayver Cruz sa Kapuso Network. Wish niya, magkasama sana sila sa isang drama-action series.

"Sa totoo lang, dream project ko na magkaroon kami ng isang teleserye na magkasama na drama-action. Iba 'yung 'pag magkasama kami ni Rayver, iba 'yung feeling eh, iba 'yung aura, iba 'yung energy na naibibigay," saad ni Rodjun sa pag-renew niya ng kontrata sa GMA Artist Center nitong Martes.
 



Kamakailan ay nag-guest ang magkapatid sa "Tonight With Arnold Clavio" at nakita ang kanilang kakulitan na magkapatid.

"Kasi nu'ng nagkasama nga kami sa 'Tonight With Arnold Clavio,' antagal naming hindi sumayaw together, natural 'yung happiness naming dalawa. Mas ganado kami magtrabaho. Parang mas malakas 'yung force 'pag magkasama kaming dalawa," saad ni Rodjun.



Ikinuwento noon ni Rayver na tinanong niya rin ang kapatid na si Rodjun tungkol sa paglipat sa GMA Network.

Paliwanag ni Rodjun, "Katulad nga ng sinabi ko sa kaniya sa 'Tonight With Arnold Clavio,' sabi ko, sa GMA, mas makulay ang buhay, mas masaya."

Inihayag din ni Rodjun ang posibilidad na magkasama sila ni Rayver sa musical-variety show ng GMA na "Studio 7."

"Abangan nila!" sagot ng aktor. "So lagi silang dapat tumutok sa "Studio 7."-- FRJ, GMA News