Nang pumirma ng kontrata bilang Kapuso noong  Hulyo, inihayag ni Manolo Pedrosa ang mga artista na gusto nitong makatrabaho. Kaya naman labis ang tuwa ng aktor nang makasama siya sa powerhouse cast ng "Pamilya Roces," lalo pa't kasama rito ang young actress na kasama sa listahan ng mga nais niyang makatrabaho.

"Grabe! Kaka-sign ko lang, nabigyan ako agad ng ganu'n na project with Gabbi [Garcia] and Jasmine [Curtis-Smith]. So, sobrang surreal like, I mean, bigla ka na lang binigyan ng ganitong project na maganda 'yung cast with direk Joel [Lamangan] and primetime pa. So 'yun, very grateful," saad ni Manolo sa press conference ng "Pamilya Roces" nitong Oktubre 3 sa Quezon City.

 

 

Gagampanan ni Manolo ang role ni Gil Figueroa, isang photographer na susuyuin si Jade Roces (Gabbi) ngunit lagi siyang tatanggihan ng dalaga.

Si Gabbi ang young actress na inihayag ni Manolo noon sa contract signing niya sa GMA Network sa mga artista na gusto niyang makatrabaho.

Nabanggit din niya sina Dingdong Dantes, Marian Rivera at Sanya Lopez.

"It's a beautiful cast, I'm super happy to be part of this powerhouse cast. Of course sobrang nababaitan ako sa kanila. Siyempre 'yung bonding time namin sa tent. I really feel this two months of my GMA life, sobrang I really feel welcomed here," saad ng aktor.

Hanga rin si Manolo sa working style ng batikang direktor na si Joel Lamangan.

"Honestly, nagustuhan ko nga ang style ng work ni direk Joel. Sobrang straightforward, you do your job as an actor, he does his job as a director. That's it tapos na. Just go in the set na prepared, na alam mo 'yung lines, then okay lang, nothing wrong will happen. Ganu'n. So deep preparation and siyempre, workshop," kuwento niya.

Pinag-iigi naman ngayon ni Manolo ang kaniyang trabaho.

"Siyempre I'm sure lahat gustong maging leading man, 'yun 'yung number one goal ko, siyempre gagawin ko lahat to reach that. pagtuloy-tuloy ng workshop, hindi lang workshop also, 'yung totoong work experience ko," sabi nito.

Dahil dalawang taon siyang huminto sa showbiz, aminado si Manolo na challenge ito ngayon sa kaniya.

"Siyempre po kung tutuusin, bata pa ako sa showbiz age. Less than two years pa lang ako sa showbiz tapos nag-stop po ako for two years, so siyempre, kung tutuusin 'yung years ko, medyo mahirap, siyempre I have to catchup, cope up."

Inihayag din ni Manolo na nais niyang makatrabaho muli sina Bianca Umali at Kyline Alcantara na nakasama na niya sa isang episode ng "Daig Kayo ng Lola Ko." Habang ang nais niyang maka-love team naman ay si Kate Valdez.-- FRJ, GMA News