Itinanggi ni Kris Bernal na mayroon siyang benefactor o financier kaya siya nakapagpundar siya ng mga negosyo at nakabili pa ng lupa’t bahay sa Amerika. Giit ng 29-anyos na aktres, nagawa niya ang mga ito dahil sa kaniyang pagsisikap at pagiging masinop sa pera.

“Hindi ako milyonarya. Matipid lang ako,” bulalas ng Kapuso actress nang nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng bagong Kapuso afternoon drama niyang Asawa Ko, Karibal Ko, noong Lunes, October 8.

Marami kasi ang nagtaka kung gaano siya kayaman na nakayanan niyang bumili ng five-bedroom house sa West Covina, California.

Paglilinaw ni Kris, “Hindi ako maraming pera, pero for so long kasi, eleven years ko sa industry, sobrang tipid ko.

“Tinitipid ko ang sarili ko sa maraming bagay.

“Sabi ko nga, wala akong magandang sasakyan… I mean, hindi ako bumibili ng malalaking sasakyan.

“For so long din, wala akong driver, regular stylist. Nag-i-stylist lang ako pag may events lang.

“Wala akong maid sa bahay, kami-kami lang din.”

Patuloy niya, “So, ang dami kong tinipid sa life ko para ma-pursue ko yun.

“Deprived ako dun sa mga gusto ko para sa sarili ko.

“So, naipon yun nang naipon, and yung mommy ko kasi ang galing din sa pera.

“Ang galing niya kung saan nai-invest yung pera, kung saan iikot yung pera.

“Lahat yun, hinayaan kong i-handle niya.

“Kaya yun, nakabili kami ng house sa US at na-open ko yung mga business na gusto ko.”

Kapag tinatanong nga ang ilang nakatrabaho ni Kris, kagaya ni Aljur Abrenica, ang pagiging kuripot ng aktres ang unang naiisip nila.

Tinatawanan na lang daw ni Kris ang ilang nang-iintrigang baka may financier siya o mayamang benefactor kaya nakabili siya ng malaking bahay sa Amerika.

Saad niya, “In all honesty, wala akong financier o benefactor, or even sa dyowa ko, wala din. Hindi siya maluho or whatever.

“Lahat yun galing sa akin. Grabe ako magtipid, grabe ako mag-ipon.

“Saka yung pera ko, talagang naka-time deposit iyan, iniiwan ko lang kung saan-saang bank, hanggang sa ilang years na siya.

“Dun ko naipon lahat yun. Tipid ko lang talaga, as in every peso counts.

“Kaya lahat ng tao na kilala ako, lalo na pag si Aljur dati na pag tinanong niyo kung anong one word that would describe me, kuripot ang word niya.

“Kasi alam niyang kuripot talaga ako.”

Thankful din si Kris dahil maayos ang pag-handle ng non-showbiz boyfriend niya na isang chef sa Korean restaurant nila sa Quezon City.

Abala lang ngayon si Kris sa promo ng "Asawa Ko, Karibal Ko" dahil magsisimula na ito sa October 22.

Pagkatapos daw nito ay paghahandaan na ng aktres ang panibagong negosyong bubuksan niya.-- For more showbiz news, visit PEP.ph