Hindi napigilan ni Kris Bernal na maiyak sa press conference ng bago niyang pagbibidahang serye na "Asawa Ko, Karibal Ko," kung saan makakatrabaho niya ang mga bagong Kapuso leading men na sina Jason Abalos at Rayver Cruz, na childhood crush ng aktres.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni Kris na labis lang siyang nagpapasalamat sa magagandang proyektong ibinibigay sa kaniya ng GMA kaya hindi niya mapigilang maiyak.

"Kaya naging emotional ako kasi ang ganda-ganda ng 'Impostora.' Tapos ang ganda na naman nitong bagong show. So parang very thankful lang ako, parang na-overwhelm lang ako," paliwanag ng aktres matapos ng press con.

Sa bago niyang serye, gagampanan ni Kris ang papel ni Rachel na umibig at nagpakasal sa isang lalaking may lihim sa pagkatao. Sa huli, magiging karibal pa niya ang asawa sa bagong lalaki na kaniyang mamahalin.

Tungkol sa kaniyang mga leading men na sina Jason at Rayver, sinabi ni Kris na kabisado na niya si Jason dahil nakatrabaho na niya ito.

"With Jason kasi, I had an episode of 'Magpakailanman' with him. So medyo sanay na 'ko sa drama rin kay Jason kasi alam ko kung paano siya umarte, alam ko kung paano siya magbigay as an actor. But with Rayver, super bago talaga," paliwanag ni Kris.

Natutuwa rin si Kris na katrabaho niya si Rayver dahil noong bata pa raw siya ay lagi niya itong pinapanood dahil childhood crush niya.

"Aaminin ko, hindi ako makatingin sa kaniya talaga nu'ng una. But then, alam ko, kailangan kong galingan, kailangan kong gawin 'tong trabaho ko, so deadma muna du'n sa dating ano, puppy-puppy crush na 'yan," natatawa niyang sabi.

Pero paglilinaw ni Kris, masaya siya sa kaniyang non-showbiz boyfriend.

"Wala ako sa point na or sa edad na 'yung mga nagtu-two time pa or whatever, wala na. Nasa point na rin ako na sooner or later, baka mag-settle na rin ako," saad niya. -- FRJ, GMA News