Dream come true kung ilarawan ng 'Clasher' na si Anthony Rosaldo ang maka-duet si Regine Velasquez, at mas lalo pa siyang humanga sa Asia's Songbird dahil sa husay nito sa pagkanta.

"'Yung caption ko nga doon, 'Dream come true!' Kasi totoo naman. Who would have thought na makaka-duet ko siya. Noong time na 'yon, after party ng 'The Clash.' 'Yung isang boss namin, sabi niya 'Pakantahin niyo si ate (Regine).' Ako hindi na ako nagdalawang-isip, pinlay (play) ko na agad 'yung 'Hanggang Ngayon' kasi gusto kong maka-duet siya," kuwento ni Anthony sa kaniyang contract signing sa GMA Network nitong Huwebes.

"Ambait niya, sobrang akala ko, 'yung pagkanta niya parang wala-wala lang. Hindi niya binasta-basta ang singing niya eh, kumbaga binigay niya talaga, so sobrang blessed nang pakiramdam," kuwento niya.

Matatandaang nag-viral ang duet nila ni Regine nang i-post ito ni Anthony, na mayroon na ngayong 1.6 million views.

Sa video, makikitang halos mapaiyak pa si Anthony nang makatabi niya si Regine sa pag-duet.

Kapuso na

Ikinuwento ni Anthony na hindi lang ang "The Clash" ang unang singing contest na sinalihan niya. Sumali na rin siya noon sa "Eat Bulaga" ngunit hindi pinalad.

"Totoo 'yung sabi ko. Two years ago kasi, galing ako ng "Eat Bulaga," grand finalist ako doon, pero walang nag-sign sa akin, hindi ako sinign (sign) ng 'Bulaga.' And then si Yasser (Marta) kasi naunang mag-sign sa akin sa GMA."

"Tapos the door opened for us sa "The Clash," ito na nga, natatawa kami na nag-uusap kami, destiny pa rin ngayon na nandito ako sa GMA," masaya niyang pahayag.

May kontrata na ngayon si Anthony sa GMA Artist Center at GMA Network, at nakatakdang lumabas sa musical-variety na "Studio 7."

Ngunit hindi sa pagkanta lang gustong mag-explore ni Anthony.

"Open ako for acting projects, gustong gusto ko 'yan. Siyempre 'pag sinabi sa akin na sing and dance, so sabi nila, why not you become the next Gary Valenciano? Kinikilig ako sa thought na hindi na siya imposibleng mangyari," saad niya.

"Yes I will peg him. Hindi man mapantayan, maging Anthony na kahit paano, a step closer to him," sabi pa ni Anthony.-- FRJ, GMA News