Pormal nang nagpaalam si Asia's Songbird Regine Velasquez-Alcasid sa Kapuso Network, sa pamamagitan ng programang "Sarap Diva."

Ipinalabas ang 6th anniversary episode ng "Sarap Diva" nitong Sabado, kung saan dito rin niya ipinaalam ang kaniyang pag-alis.

Pinasalamatan ni Regine ang mga GMA bosses sa dalawang dekadang pananatili niya sa network.

"Kay Miss Darling, maraming maraming salamat. Thank you miss Darling (de Jesus) for all the opportunities that you have given me. Sila ma'am Lilybeth (Rasonable), sila Redgie (Magno), all my bosses, siyempre ang aking mga boss talaga, mga top, si Mr. Gozon atsaka si Mr. Duavit. I have stayed here for two decades. Maramaing maraming salamat po sa tiwalang ibinigay niyo sa akin and for taking good care of me... And most of all, 'yung second mom ko, si Miss Wilma (Galvante). Maraming maraming salamat ma'am Wilma."

Pinasalamatan din ni Regine ang director, staff, at lahat ng kaniyang mga nakatrabaho.

"'Yung six years na 'yun, like I said andami kong natutunan. Nakilala ko lahat. And dito po sa Sarap Diva, talagang family na po kami."

Nagbalik-tanaw din si Regine sa mga naging guests nila sa show.

— MDM, GMA News