Ang action star na si Lito Lapid, dating TV host Camille Villar, at performer na si Mocha Uson, ang nadagdag sa listahan ng mga celebrity na sasabak sa 2019 elections.

ALAMIN: Mga celebrity na naghain na ng kanilang COC para kumandidato sa 2019 polls

Nitong Lunes, naghain ng kaniyang certificate of candidacy para tumakbong muli bilang senador Lito Lapid.

 


Nagsilbing senador si Lito noong 2004 hanggang 2016, at naging bise gobernador din ng Pampanga noong 1992.

Samantala, naghain din ng COC ang anak niyang aktor na si Mark Lapid para tumakbong alkalde ng Porac, Pampanga.

Nagsilbi noon na gobernador ng Pampanga ang nakababatang Lapid mula 2004 hanggang 2007, at naging pinuno ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).

Tatakbo naman bilang kongresista ng Las Piñas ang dating co-host sa game show ni Willie Revillame na si Camille Villar, anak nina Sen. Cynthia Villar at dating Senate President Manny Villar.

 


Ang kapatid ni Camille na si Mark ang dating kongresista ng Las Piñas pero nagbitiw sa puwesto nang maitalagang kalihim ng Department of Public Works and Highways.

Kandidato rin muli bilang senador ang kaniyang ina na si Cynthia.

Samantala, pagiging kinatawan naman ng party-list group na AA-Kasosyo ang target ng performer at dating Communication Assistant Secretary na si Mocha Uson.

 


Ang nabanggit na party-list group ay may kaugnayan sa mga overseas contract worker.

"Ako po ay dating naging OFW. Sila po 'yung ipaglalaban ko dito dahil sinasabi natin na ang OFW ay bagong bayani pero hindi naman po natin sila naaalagaan," sabi ni Uson.

Naghain din ng COC nitong Lunes para muling tumakbong konsehal sa Quezon City ang dating aktor na si Hero Bautista, kapatid ni Herbert Bautista, na nasa huling termino naman bilang alkalde ng nabanggit na lungsod.

Ang aktor na si Gary Estrada, tatakbo naman bilang Vice Mayor ng Cainta.

Naging board member noong sa lalawigan ng Quezon si Gary.

 

 

Ang anak ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III, na si Ciara Sotto, second nominee naman ng party-list group na Luntiang Pilipinas, kung saan first nominee si dating presidential spokesperson Harry Roque.

Ang singer na si Imelda Papin, tatakbong bise gobernador sa Camarines Sur.

Posisyon naman bilang kongresista sa unang distrito ng Camarines Sur ang aasintahin ng komedyanteng si Long Mejia.

Nahain rin ng COC ang aktor na si Jolo Revilla para muling tumakbong bise gobernador ng Cavite.

Ang ilan sa mga celebrity na nauna nang naghain ng kanilang COC para tumakbo sa darating na halalan ay sina OPM legend na si Freddie Aguilar, na aspiranteng senador,  Richard Gomez, na tatakbo muling alkalde ng Ormoc, at si Vilma Santos-Recto, na tatakbong muli na kongresista sa Batangas.-- FRJ, GMA News