Patuloy na humahaba ang listahan ng celebrities na sasabak sa politika sa darating na May 2019 midterm election. Ang karamihan sa kanila, dati at kasalukuyang humahawak ng posisyon tulad nina Edu Manzano, Daniel Fernando at Charee Pineda.

ALAMIN: Mga celebrity na naghain na ng kanilang COC para kumandidato sa 2019 polls

READ: Lito Lapid, Camille Villar, Mocha Uson, at iba pang celebs na tatakbo rin sa 2019 polls

Nitong Martes, naghain na ng kaniyang certificate of candidacy (COC) bilang kandidatong senador muli si Jinggoy Estrada.

Kasama niyang naghain ng COC ang amang si Manila Mayor Joseph Estrada, na hihirit naman ng panibagong termino bilang  ama ng nabanggit na lungsod.

Kabilang naman sa mga kandidatong konsehal sa tiket ni Erap sa ikalawang distrito ng Maynila ang aktres na si Sheryl Cruz.

Ito ang unang pagkakataon na sasabak sa pulitika ang aktres.

Hihirit naman ng panibagong termino bilang kongresista ng ikatlong distrito ng Maynila ang aktor na si Yul Servo.

Muli namang papalaot sa pulitika si Edu para tumakbong kongresista sa San Juan City.

Dating naging bise alkalde ng Makati si Edu at naging pinuno ng Optical Media Board.

Noong 2010 presidential elections, tumakbo siyang bise presidente pero nabigo. At hindi rin pinalad na manalong senador noong 2016 elections.

Ang aktor na Daniel Fernando, na kasalukuyang bise gobernador ng Bulacan, mas mataas na posisyon na ang aasintahan sa 2019 bilang gobernador ng lalawigan.

Naghain din ng COC ang aktror na si Rommel Padilla para kumandidatong kongresista sa unang distrito ng Nueva Ecija.

Sa ParaƱaque City, tatakbong vice mayor ng lungsod ang aktor na si Jeremy Marquez, anak ni Joey Marquez. Posisyon naman bilang konsehal ang tatargetin nina Dominic Ochoa at Rochelle Barameda.

Ang Kapuso actor na si Alfred Vargas, muling tatakbong kongresista sa ikalawang distrito ng Quezon City.

Ang aktres na si Charee Pineda, nais na makuhang muli para sa ikatlong  termino ang posisyon niya bilang konsehal ng Valenzuela City.

Ang direktor na si Lino Cayetano, tatakbong alkalde ng Taguig City para pumalit sa kaniyang hipag na si Mayor Lani Cayetano, na nasa ikatlo at huling termino na.

Ang aktor na si Monsour del Rosario, na kasalukuyang kongresista ng Makati, tatakbong bise alkalde para maging running-mate ng kakandidatong alkalde na si Junjun Binay.

Dating aktres at dating konsehal na si Maricel Morales, nagsumite ng COC bilang Vice Mayor sa Angeles City Pampanga.-- FRJ, GMA News