Nadiskubre ni Kapuso star Glaiza de Castro na may dugo rin pala siyang katipunera" matapos niyang i-trace ang kaniyang family history at nalamang kadugo niya ang isa sa mga Pilipinong unang sumali sa Katipunan-- si Felix Galura, isang manunulat at rebolusyonaryo.

Sa ginanap na one-on-one interview ng GMA News kay Glaiza nitong Lunes, naitanong sa aktres ang tungkol sa kaniyang Instagram post na may caption na "Katipunerang Milenyal."

"Bigla na lang pumasok sa utak ko 'yon. Kasi kung ite-trace ko 'yung history ng Galura, kasi 'yun talaga 'yung real name ko. Isa pala 'yung Galura, si Felix Galura ay isa sa mga unang naging miyembro ng Katipunan," paliwanag niya.

Ayon pa kay Glaiza, hanga siya kay Felix dahil katulad niya itong mahilig din sa musika.

"Hindi siya masyadong... siyempre hindi siya kasing-prominent ni Andres Bonifacio pero isa siya sa mga taong naging involved doon, at music 'yung talagang naging weapon niya, arts, ganiyan," saad niya.

Patuloy ni Glaiza, "Galing siya sa Pampanga at 'yon yung kinukuwento sa akin ng tatay ko, nasa dugo pala namin talaga na mga Katipunero at Katipunera."

Ani Glaiza, mahilig siya sa mga magkakasalungat na konsepto kaya pinagsama niya ang modernong "millennial" at "Katipunera."

"Tapos siyempre millennial tayo ngayon, millennial pa rin naman ako dahil pinanganak ako ng 1988. So parang naiisip ko na, mahilig kasi ako du'n sa total opposite ng mga bagay. So siyempre Katipunan, galing sa past, 'yung millennial kumbaga... very modern siya ngayon, lagi siyang ginagamit ng mga company, lagi siyang ginagamit ng mga tao, mga millennial, mga ganiyan, 'di ba? So wala, naisipan ko lang na 'Pagsamahin ko kaya 'to?'," paliwanag niya.

Bilang si Commander Liway

Kamakailan, nakatanggap si Glaiza ng papuri sa kaniyang pagganap bilang si Commander Liway sa pelikulang "Liway."

Tungkol ito kay Day, sa isang batang lalaki na kasama ang mga magulang na si Day at Ric sa Camp Delgado, isang kulungan para sa mga rebelde at kriminal. Ginagawa ni Day ang lahat para maprotektahan ang anak, kabilang ang pagkuwento tungkol sa diwata na si Liway na lumalaban sa Marcos dictatorship.

Naka-relate raw si Glaiza sa kaniyang karakter.

"'Yung strong personality niya talaga 'yung pagiging resilient niya. Minsan nakakalimutan ko na nasa akin lang siya. Ever since I started, 'yun 'yung naging objective ko, hindi ako susuko kasi ginagawa ko 'to para sa pamilya ko," saad niya.

"Kung alam lang ng tao kung saan ako nanggaling at kung nasaan ako ngayon, kung babalikan ko 'yun, sobra akong nagpapasalamat dahil hindi ako tumigil, hindi ako sumuko at nakita ko 'yung resulta ng paghihirap na 'yun, at ganoon din ang nangyari sa kaniya, ganoon din mismo ang nangyari kay Liway. Ito ang resulta ng lahat ng paghihirap after ilang years na nakakulong sila sa prison," patuloy niya.

Ipinaliwanag ni Glaiza kung paano niya tinanggap ang role kahit may usaping politikal tulad ng Martial Law.

"Honestly, 'pag usapang politics, isa rin 'yun sa mga bagay na gusto kong iwasan eh, ayokong maki-meddle talaga, ayokong pag-usapan. It's such a sensitive subject, martial law. Pero kasi nu'ng nabasa ko 'yung script noong ginagawa namin ang pelikula, nari-realize ko na may mga kailangan talaga tayong ikuwento, lalo na 'yung mga totoong nangyari," sabi niya.

"So I think siyempre may mga consequences, may mga bagay talaga na mag-a-arise na hindi mo i-e-expect, whether positive or negative 'yan, pero it is really a conscious decision na tanggapin ang pelikula kasi umaakma siya doon sa principles ko, bilang individual, bilang tao, bilang artist, bilang anak," saad pa ni Glaiza.

Panoorin ang kaniyang panayam sa video na ito:

-- FRJ, GMA News