Nagsalita ang aktres na si Carmina Villaroel tungkol sa pagkakapalit niya kay Asia's Songbird Regine Velasquez bilang host ng pinakabagong talk-variety show, "Sarap, Di Ba?"

Ang "Sarap, Di Ba?" ang dating "Sarap Diva," na ang host ay si Regine.

Magiging co-host ni Carmina ang kambal nila ni Zoren Legaspi na sina Mavy at Cassy sa show, tampok ang mga usapin sa pamilya, food at masasayang activities para sa lahat.

 

 

Nilinaw ni Carmina na hindi dahil sa papalitan niya si Regine kaya siya nagdalawang-isip na tanggapin ang programa, kundi dahil sa mayroon pa siyang ibang shows.

"Walang kinalaman doon. Walang kinalaman sa Sarap Diva. 'Yung mga concerns ko lang, kasi it's a regular show eh, so siyempre 'yung mga concerns ko, 'Kakayanin ko pa ba kung magso-soap pa ako, kung magte-teleserye pa ba ako?'

"Siyempre first love ko din ang, first love ko nga actually ang, pareho ko kasing love ang talk show tsaka ang teleserye eh," saad ni Carmina sa showbiz reporters sa press conference ng Sarap Di Ba nitong Martes sa GMA Network.

"'Yun lang naman ang mga hesitations ko, pero hindi dahil sa Sarap Diva."

 



Paliwanag ni Carmina, hindi ito tungkol sa pareho sila ni Regine na minamahal ng mga tao kaya niya ito tinanggap.

"Hindi ko talaga iniisip 'yung ganoon, because unang-una, ayoko kasi 'yon i-stress sa sarili ko, kasi kahit hindi naman ako, meron pa rin namang papalit eh. Sa buhay naman natin especially in the industry, meron talagang nagtatapos, may nag-e-end. 'Pag may nag-end, may nagbubukas ng panibagong chapter. So nagkataon lang na natapos na 'yung chapter na 'yun, kami naman ngayon ang magbubukas."

"So we are just hoping na kung sino man 'yung mga loyal viewers ng Sarap Diva, sana they'll continue watching our show na 'Sarap Di Ba?' naman. That's why also they stick with 'Sarap,' instead of 'Diva,' 'Di Ba?' because mahal nila 'yung programa, mahal nila 'yung viewers, kumbaga, kaya na-detain naman lahat eh. And hindi ako na-offend, hindi ako na... Because like I said I'm not a negative person, hindi kami, parang I want to take this as a blessing, as an opportunity."

Hinimok ni Carmina na hangga't maaari ay iwasan ang pagkumpara sa kaniya at kay Regine.

"Let's not compare because she's the Songbird, and I'm just a frustrated singer," pabiro na sabi ni Carmina.

"Kumbaga magkaiba kami, magkaiba kaming dalawa. So we are hoping na kung ano man 'yung sayang ibinigay niya, we'll continue. I hope we can continue giving the fun and the entertainment du'n sa mga loyal viewers nila."

Pinaliwanag pa ni Carmina na iba ang konsepto ng "Sarap Di Ba?" sa "Sarap Diva."

"Ay oo! Kasi kahit gustuhin ko mang kumanta, hindi ko talaga kakayanin eh. So hanggang frustrated singer lang talaga ako. So kahit sabihin mong parang pareho, pero hindi talaga pareho eh, kasi unang-una magkaiba na 'yung host, magkaiba na kami ng style, and mas I'll be with the kids, this is more of really a family show."

Hindi na aniya sila nakapag-usap nina Regine, ngunit natutuwa siya sa mga kuwentong gusto pa siyang i-endorse ng Songbird.

 

Photo: Regine Alcasid/Twitter
Photo: Regine Alcasid/Twitter


"Hindi nga eh, but I heard na when she found out na ako nga 'yung susunod sa kaniyang yapak bilang Songbird, ang alam ko she was happy and parang she wanted pa to i-endorse ako. Na nu'ng nalaman ko 'yon, aww parang, very thankful naman ako kasi, hindi naman kailangan pero talagang mag-offer siya pero hindi na nga lang nangyari kasi, hindi na nga nangyari."

Natuwa rin si Carmina nang malamang ni-retweet pa ni Regine ang promotional nilang mag-ina ng show, na isang senyales na masaya ang Songbird para sa kanila.

"Ay ang saya naman. Nakita mo naman na, kasi siguro wala naman, hindi naman sila nagkaroon ng, wala naman masamang paghihiwalay eh. And kumbaga labas naman ako doon, 'di ba so hindi rin ako talaga makapag-react nang mabuti. But you know, I'm just, my heart is just so full, na it's just all positive, all happy thoughts, and sa gesture ni Songbird Ms. Regine, siyempre thank you, thank you dahil ni-retweet niya. Makikita niyo naman ang pagmamahal niya sa show. So we're very thankful." — LA, GMA News