Ang mag-iinang Carmina Villaroel at kambal na sina Mavy at Cassy ang magiging host ng bagong Kapuso variety-talkshow na "Sarap 'Di Ba?." Si Carmina, nais na mai-guest ang pamilya Dantes kanilang programa.

"Naku marami, kung puwede nga lahat talaga, lahat ige-guest natin," saad ni Carmina sa showbiz reporters sa media conference ng programa nitong Martes sa GMA Network.

"Siyempre gusto ko Marian-Dingdong, gusto ko ma-guest ko silang mag-asawa, plus si Zia. Hindi naman kami masyadong ambitious noh!," natatawa niyang sabi. "Pero of course gusto ko, gusto ko silang mas makilala pa bilang pamilya, kung paano sila mag-asawa. Actually marami pa eh! Iisa-isahin namin lahat ng Kapuso stars."

Si Cassy, nais namang mai-guest sa programa ang buong cast ng bago ring variety show na "Studio 7."

Pabirong hirit naman ni Carmina sa anak: "Baka naman hindi na ako makapagsalita doon?!"

Ngunit inihayag ni Carmina na interesado rin siya sa buhay ng cast ng "Studio 7," lalo na sa likod ng pag-perform nila sa camera.

"Oo kasi siyempre sa 'Studio 7,' puwede rin naman 'yon kasi Studio 7, hindi naman natin sila nai-interview doon eh, hindi naman namin sila nakikilala 'yung mga, 'yung pagkatao nila because nakikita lang natin sila as performers. Puwede rin naman du'n sa 'Sarap Di Ba?' Mas makikilala natin sila kung paano sila bilang mga anak, take turns," paliwanag ni Carmina.

Mavy at Cassy, natupad ang wish

Inihayag naman ng kambal na pangarap talaga nila na makasama ang kanilang mga magulang sa isang show at natupad na ito sa "Sarap Di Ba?"

 

 

"Actually at first kinakabahan ako akala ko 'yung first show namin, mostly without mommy or dad, pero when we heard na our first show will be with mommy, na -excite ako kasi nga, that's our wish before na 'yung first show namin, should be with our family members," ayon kay Cassy.

"We wanted to show na kasama 'yung pamilya and we're really excited na may follow-up na show na kasama si mommy, kasama ko si Cassy. And siyempre, lalo na 'yung theme ng show na ito is all about family," sabi naman ni Mavy.

Natuwa naman si Carmina sa pag-develop pa ng kaniyang mga anak, at hindi na niya ito kailangang pang gaanong bantayan.

"Itong first taping namin, hindi ko na sila kailangang i-guide pa nang sobra-sobra. Kasi nakita ko talaga na pagtapak nila ng stage, they are very relaxed, they are very comfortable," kuwento ni Carmina.

Dagdag pa niya, "Sabi ko nga 'Bakit ganoon, eh ako lang naman 'yung nag-'Sis' dati. Itong mga anak ko, siguro kasi lumaki sila na ginagawa ko 'yung 'Sis,' so 'pag nakita siguro nila 'yung cameras, 'yung audience, feeling ko without them knowing, they are very comfortable eh,"

Mapapanood na ang "Sarap Di Ba?"  sa Oktubre 20 bago magtanghalian.

"Para lang talaga kaming nasa bahay, na actually 'yun naman talaga ang gusto naming ma-achieve sa show na ito, na napaka-intimate lang ng kuwentuhan with our guests and 'pag kinakausap namin 'yung mga viewers, parte sila ng pamilya namin, parte sila sa bahay namin," sabi pa ni Carmina.-- FRJ, GMA News