Ikinuwento ng aktres na si Thea Tolentino kung paano niya pinaghandaan ang kaniyang role bilang isang transwoman sa bagong GMA afternoon series na "Asawa Ko, Karibal Ko."

Gagampanan ni Thea si Venus, isang transwoman na dating si Nathan (Jason Abalos).

Bilang bading, napilitan si Nathan na pakasalan si Rachel (Kris Bernal) dahil sa pressure ng pamilya.  Dala ang anak nila ni Rachel, pepekiin ni Nathan ang kaniyang kamatayan para sa sexual reassignment at facial feminization surgery.

 

 


Ang espesyal na pagganap ni Jason ang sinundan ni Thea para sa kakaibang karakter na magiging karibal ni Kris sa pag-ibig.

"Nu'ng napapanood ko 'yung clips niya, du'n ko mas nabi-build din 'yung character ko. 'Ah ito pala 'yung naging reaction niya sa ganito,' nakita ko na nagiging mainitin 'yung ulo ng character na si Nathan. So kapag nag-transition na ako, 'pag-taping na ako, alam ko na kung ano 'yung mga nagti-trigger sa akin, sa mga ganu'ng klaseng bagay," saad ni Thea sa GMA reporters sa pilot preview ng "Asawa Ko, Karibal Ko" nitong Huwebes sa GMA Network.

Bilang dating mag-asawa, si Rachel ang sinasabing magpapainit ng ulo kay Venus, ayon kay Thea.

"Actually ang trigger talaga si Rachel, ang character ni Kris, kasi na-mention niya nga na 'Ang importante na mahal mo ang asawa mo,' and kung sa tingin mo 'yung taong 'yun, parang naiirita ka sa kahit ano, sa tanong niya, mga ganu'n, sunod-sunod na 'yon. Kahit presence niya sasakit na 'yung ulo mo. Maiirita ka na parang ayaw mo nang pakinggan, ayaw mo nang makita. Ganu'n 'yung napansin ko kay Nathan, habang tumatagal, mas nagkakaroon siya ng knowledge na transwoman pala siya," kuwento ni Thea.

Mayroon ding ginawang adjustments si Thea para sa series, lalo na ang kaniyang boses.

"Tina-try ko babaan 'yung boses ko kasi sa mga kilala kong transwoman na nakikita ko, may base pa rin kasi 'yung boses nila. And bihira 'yung mga nakikita mo na transwomen na mataas na talaga 'yung boses," saad ng aktres.

Nanood din si Thea ng mga series na tampok ang mga transwomen para mapamilyar pa siya sa kanila.

"Parang nakakarinig ako ng mataas na boses sa ibang bansa, kaya nu'ng nanonood ako ng 'Pose' sa FX, nalilito na ako kasi 'yung show na 'yun, for transwomen siya. Nalilito na ako. Sabi ko, 'Ang ganda ng boses nila tsaka ang se-sexy nila kaya nape-pressure ako," sabi ni Thea.

Kaya nag-workout na rin siya para mas mapaliit pa ang kaniyang tiyan.

"Yang mga kilala ko, sina Kevin Balot, Francine (Garcia), grabe magpo-post 'yan sa Instagram. Sabi ko, nakakahiya naman 'yung tiyan ko, bloated, He! He!" natatawa niyang sabi.

"Wala akong specific na peg, parang halo-halo. Kasi may na-meet ako na transwoman na late nag-transition like Nathan. Depende kasi kung anong pinagdaanan din ng tao, so halo-halo kong pinagsama 'yung mga natutunan ko, sa mga nari-research ko," saad niya.

May mga kinausap ding tao si Thea para sa kaniyang paghahanda.

"Iba-iba eh. Pero meron ako mga nakausap na 'yung daddy nila, hindi pa pala alam, pero the whole family knows, mga ganu'n. Hindi pa rin tanggap fully ng ibang family. 'Yun 'yung sana na matutunan ng mga magulang na makakanood ng show namin, na importante na suportahan mo 'yung anak mo kasi 'yun talaga sila kung sino sila," ayon kay Thea.

Hanga si Thea sa pagiging feminine ng mga nakilala niyang transwomen.

"Para sa akin, mas feminine silang kumilos for me. Ako, magaslaw akong kumilos talaga, and feminine sila kumilos. Sa mga na-meet ko, talagang wala, wala akong nakikitang difference kasi babae din talaga sila, babae sila at heart and nu'ng nagkaroon sila ng freedom talaga na makalabas sa shell nila. Siyempre kung ako din 'yun, talagang [ilalabas] ko ang pagka-feminine ko," paliwanag niya.-- FRJ, GMA News