Hindi magkabangga kundi magkapatid ang turingan nina Kapuso Primetime Queen Marian Rivera at Phenomenal Star Maine Mendoza, kaya nalulungkot sila para sa mga taong pilit silang pinagsasabong.

"Ako honestly, hindi ko rin nage-gets 'yung issue kasi tulad nga po ng sabi namin kanina, magkapatid po kami. Galing po kami sa same management and wala po akong nakikitang rason personally para i-pit kami against each other," paliwanag ni Maine sa isang event ng skin care brand sa Quezon City nitong Biyernes.

"Actually kahit sino pong babae, 'di ba, sobrang laking issue ngayon sa showbiz na parang they are pitting women against women, and I think it's just wrong, 'di ba? Parang wala talagang rason. So 'yun lang, kung sino man sila, itigil niyo na 'yan," dagdag ni Maine.

 

 

Nilinaw pa ni "Yaya Dub" na wala silang ano mang alitan nina Marian.

"Nakakalungkot kasi kadalasan 'yung mga ganoon, babae rin, 'di ba? So dapat naiintindihan nila 'yung mga ganiyan. Pero 'yun, wala talaga akong nakikitang rason kasi magkapatid kami at wala naman kaming something sa isa't isa or anything," sabi ni Maine.

Hindi naman naitago ni Marian ang kaniyang lungkot nang marinig ang mga comparison at hinimok na iwasan ang crab mentality.

"Tsaka ang lungkot no'n ha. 'Di ba tulad ng sabi ni Maine, magkapatid kaming dalawa. Kung alam niyo lang. Kapag sa management namin nagtutulungan kami, kung puwede nga, araw-araw i-build up namin ang isa't isa, bakit hindi. At saka, dapat ang mga babae nagtutulungan, hindi ganiyan, parang crab mentality," aniya.

"Basta kung may mga tao mang ganu'n, hindi natin alam kung bakit ganoon sila. Ang importante, kaming dalawa ni Maine, walang problema sa amin at mahal namin ang isa't isa bilang magkapatid kami."

Sa parehong event din, sinagot nina Marian at Maine ang mga pinagbabangga sa kanila sa pamamagitan ng sisterly hug.

Ang Primetime Queen ng Kapuso Network, nakilala si Marian sa kaniyang role bilang si Marimar. Ikinasal sila ni Dingdong Dantes noong 2014 at biniyayaan ng anak na si Zia noong 2015.

Si Maine naman ay nakilala muna bilang si Dubsmash Queen, bago mapanood sa Kalyeserye ng Eat Bulaga at maging si Yaya Dub, at makatambalan pa si Pambansang Bae Alden Richards. Matapos nito, sunod-sunod ang projects at endorsements ni Maine, tulad na lamang ng kaniyang lipstick collaboration. —JST, GMA News