Sa isang event para sa isang skin care brand, ikinuwento ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera ang payo na ibinigay niya kay Phenomenal Star Maine Mendoza tungkol sa showbiz.

"Kasi sabi ko kay Maine siyempre, ayan 'yung status niya, tapos maraming nangyayari sa kaniya. Sa showbiz kasi kapag mahina ang sikmura mo talagang babaligtad ka eh, talagang maggi-give up ka. So sabi ko kay Maine, i-enjoy mo lang 'yan, basta palagi niyang tandaan maraming nagmamahal sa kaniya," kuwento ni Marian.

 

 

"'Di ba kung iisipin mo 'yung mga bashers na 'yan, parang, what's the point? Importante, [nandiyan] 'yung mga taong nag-aalaga, nagmamahal at naniniwala sa kaniya," dagdag pa ni Marian.

Payo pa ni Marian kay Maine sa showbiz. "Isa lang palagi kong sinasabi sa kaniya, enjoy! I-enjoy mo 'yan."

Mag-ate umano ang turingan nina Maine at Marian sa isa't isa, at handa lagi ang ang Primetime Queen na magbigay ng suporta sa Phenomenal Star.

 

 

"Honestly, mag-ate po talaga kami. As in privately, nag-uusap po kami 'yung mga bagay na feeling ko kailangan ko ng advice na someone from showbiz talaga, feeling ko kasi maiiintindihan niya rin siyempre dahil nagdaan din po siya rito," sabi ni Maine.

"Siya po 'yung isa sa mga una kong taong close din. And tulad nga po ng sabi ko, sobrang as in may conversation kasi mahahaba 'yung replies at tsika tsika talaga, so nakakatuwa kasi hindi ko in-expect na magiging ganu'n 'yung relationship namin," ayon pa kay Maine.

Hanga naman si Marian sa pagiging totoo ni Maine.

"Buti nga eh, 'di ba? Kasi wala namang dahilan, nasa kaniya din naman ang lahat. At kung mapapansin niyo, basta 'pag nakausap mo siya, kaya siguro kami magkasundo sa isang bagay, swak ang personality namin na, doon tayo sa totoo, doon tayo sa transparent tayo, Kung ano 'yung dapat, eh di doon. Kung ayaw, eh 'di 'wag," anang aktres.

"Hindi 'yung 'Ah, try ko ha.' Siya hindi, straightforward din siya eh, straightforward din ako. Kumbaga, kung alin 'yung nakikita niyo kay Maine, ganoon din ako, so swak kaming dalawa. Kumbaga, huwag na tayong magtago, doon tayo sa totoo," sabi pa ni Marian.--FRJ, GMA News