Nagkuwento si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera tungkol sa kaniyang pagbubuntis ngayon. Pagbahagi niya, baliktad ang nararamdaman niya ngayon kumpara noong ipinagbuntis niya si Zia.

"Bawat pregnancy, kahit sinong nanay ang tanungin mo iba-iba 'yan eh. So this time, kay Zia kasi hindi ako inaantok, hindi ako ganu'n kalakas kumain. Ito baligtad, palagi akong inaantok, sobrang lakas kong kumain," saad ni Marian sa event ng isang skin care brand nitong Biyernes sa Quezon City.

"Pero hindi naman ako hirap, enjoy naman ako," saad niya.

Sabi pa ng aktres, "Nu'ng naglihi ako, ang hinanap ko una is kamias, tapos nag-mangga. Lahat nang maasim. Oo, malay mo iba naman ang ibigay."

Kinakailangan ding mag-workout ang aktres dahil mas malaki raw ang sanggol ngayon sa kaniyang sinapupunan.

"Kasi ni-recommend din ng OB ko na kailangan. Kasi sabi niya 'yung anak ko mas malaki. So kailangan i-exercise ko siya para pagdating ng araw na manganganak ako, alam ko kung anong muscle 'yung gagamitin ko sa pag-ire. Kasi ang talagang target ko is normal again," pahayag pa niya.

Mas gusto sana ni Marian na lalaki ang susunod niyang magiging anak.

"Kung bibigyan naman ako ng pagkakataon, sabi ko nga, may Zia na ako, siyempre mas gusto ko lalaki. Pero kung ano ibigay sa akin ng Panginoon, kung babae, sabi ko nga kay Dong, 'Ang suwerte mo all girls kami, nag-iisa kang lalaki 'di ba. So kahit ano okay sa akin basta normal at healthy."

Nagbiro pa siyang target niyang makatatlo hanggang apat na anak.

"Meron pa akong dalawang chance, kasi apat ang anak na gusto ko. So kung babae man, babae, kung lalaki, malay mo, 'di ba? So apat pa 'yung chance ko, apat 'yung gusto ko eh, or tatlo, malay mo," masaya niyang sabi.

"Pero sa kadadasal ng anak ko gabi-gabi na gusto daw niya ng baby brother, malay mo pagbigyan siya ng Panginoon, malay mo baby brother nga," dagdag niya.

Kahit mahirap ang magbuntis, walang reklamo ang Kapuso Primetime Queen dahil pangarap daw talaga niya na maging isang ina.

"'Pag buntis ka kasi maraming bawal, marami kang bawal kainin, marami kang bawal ilagay. Pero kasi sa tuwing mabubuntis ako, ito 'yung gusto kong pakiramdam, dahil pangarap ko ito. Isa ito sa mga pangarap ko, ang magkaroon ng maraming anak at maging nanay talaga," paliwanag niya.

"Parang nagre-reflect siguro na ito 'yung buhay na gusto ko, gusto kong maging nanay. Na kapag nasa bahay ako, kahit ang kulit ko ng anak ko, sabi ko 'Isa pa lang ito, makulit, 'pag lumabas pa 'yung isa makulit, nako ewan ko na lang kung maganda pa ako noon.'"

Ito marahil ang dahilan kung bakit sa tingin niya ay blooming pa rin siya.

"Pero iba pa rin eh, iba pa rin ang pakiramdam kapag nanay ka, may anak ka, lalo na kapag gusto mo, kahit na nahihirapan ka. Kasi hindi naman biro ang pagbubuntis. Siyam na buwan mong dadalhin ang bata at aalagaan mo, kakain ka ng nutrisyon, ng mga pagkain, aalagaan mo 'yung sarili mo para sa kanila. So hindi siya madali, pero gusto ko siya, dahil pangarap ko siya. Baka nagre-reflect lang, thankful kasi ako eh," ayon sa aktes.-- FRJ, GMA News