Nasa Pilipinas ngayon ang Thai Internet sensation na si Mader Sitang na kilalang-kilala sa kanyang mga makabaling leeg na "head bang" dance videos at pang-shampoo commercial na buhok.

Sa kabila ng kanyang mga nakaaaliw na mga viral video, sino ang mag-aakalang maalam din pala ito sa batas at nagtataglay ng busilak na kalooban?

Sa kanyang pagdating niya sa bansa, ipinaalam din ng 56-year-old na si Mader Sitang na bukod sa pagiging abugado sa Thailand, malapit din ang loob niya sa mga Pilipino, ayon sa ulat sa 24 Oras Weekend.

Patunay na lamang nito ang pagdo-donate niya raw ng tulong para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda (Typhoon Haiyan) na nanalanta sa bansa noong Nobyembre 2013.

"Thank you so much because today we are in the Philippines and we are so thankful," sabi ni Mader Sitang sa pamamagitan ng isang interpreter.

Sumikat si Mader Sitang dahil sa signature head bang niya at mga swabeng dance move kung saan naipapakita niya ang nag-uumapaw niyang confidence habang napapalibutan ng mga machong lalaki.

Milyun-milyon na ang inaning views ng mga video niya, ang isa pa ka kanila ay napanood ng higit sa 60 milyong beses. — MDM, GMA News