Ayon sa cast ng pinakabagong GMA afternoon series na "Asawa Ko, Karibal Ko," isa sa mga adhikain ng show ay maipakita sa mga viewer ang pagtanggap sa LGBTQ community.

"Nakaka-excite siya, at the same time siyempre honored kami to be part of this project na mapo-promote namin 'yung equality for the LGBT community," saad ni Thea Tolentino, na gumaganap bilang si Venus, isang transwoman na dating si Nathan (Jason Abalos).

Kuwento ni Thea, may pasasalamat ang ilang transwoman na nakausap niya dahil sa palabas, na layong ipakita ang kahalagahan ng pagtanggap sa pamilya.

"Natuwa naman ako kasi sila, lima kasi silang kausap ko and sila mismo, natutuwa na may ganitong show. Kasi lalo na ngayong pinaglalaban 'yung SOGIE Bill and na-explain nila sa akin nang maayos kung ano 'yung mga nakaka-offend for them. Na importante talaga, sabi nila sa amin, na maipakita sa show na tanggap ng family kung ano at kung sino talaga 'yung anak nila. Importante 'yun na maipakita para talagang maiparating sa kanila 'yung equality," paliwanag ng aktres.

 

 


Dahil dito, mas na-appreciate daw ni Thea ang kaniyang karakter.

"Sobrang na-appreciate ko po 'yung character ko kasi, mabait naman si Nathan pero dahil hindi niya malabas kung sino siya, nasasaktan niya 'yung mga nasa paligid niya dahil nagmahal siya. And 'yun 'yung mahirap kasi parang, nagmahal ka lang naman eh, simple lang naman, gusto mong mahalin ka ng taong mahal mo pero bakit ganoon, 'yun din ang nagdudulot ng sakit sa puso mo. So na-appreciate ko na, grabe, lahat ng nasa LGBT community, ang hirap ng pinagdadaanan nila and du'n ako natuwa na madami akong natututunan about them," patuloy ni Thea.

Maging si "Starstruck" 6 Avenger Analyn Barro, na-appreciate ang role niya bilang si Tina, ang best friend ni Rachel (Kris Bernal), na nagpapakita ng pagtanggap sa mga tao.

 

 


"Na-appreciate ko 'yung role ko kasi it shows the nature of humanity talaga, na matulungin ka sa tao, nandiyan ka lagi sa best friend mo, kahit sa kaibigan mo, sa pamilya. May humanity talaga dito sa role kong ito," ani Analyn.

Kakaiba rin para kay singing diva Maricris Garcia ang kaniyang role bilang si Allison Bravante, ang ate ni Nathan na pagtatakpan ang pagiging babae nito.

"Ako naman po bilang elder sister of Nathan, at dahil in real life bunso ako, medyo first time, masaya na 'Uy na-experience kong maging ate tapos ganito pa 'yung sitwasyon, may kailangan akong pagtakpan at protektahang tao. So masaya," sabi ni Maricris.

Para kay Thea, ang mga transwoman ay mga tunay na babae:

"May nakausap po ako na transwoman, dito siya nagtatrabaho sa GMA. Kasi 'di ba sa ibang bansa, nu'ng si Scarlett Johansson 'yung binigyan ng role, binash (bash) siya ng tao pero may mga na-meet ako dito na sabi nila, mas okay na babae ang gumanap kasi mas mapapakita sa viewers na ang mga transwomen ay babae talaga, babae sila. Hindi sila basta bakla lang. Kasi isa lang 'yung alam ng mga tao eh. Dito mas mapapakita na transwomen are women. Clear na 'yon, kailangan mapakita ko rin talaga," pahayag niya.-- FRJ, GMA News