Mahusay at magaang katrabaho. Ganito inilarawan ng mga cast member ng "My Special Tatay" ang lead actor ng teleserye na si Ken Chan, na ipinakita rin sa "Unang Balita" ang kaniyang paandar sa Instagram na "Kapag Lumingon Ka Challenge."

Marami ang humahanga sa pagganap ni Ken sa serye na lalaking may problema sa pag-iisip at magiging ama. Pero maliban sa aktor, nakita rin ang husay sa pagganap nina Rita Daniela at Arra San Agustin.

Pero maliban sa mahusay na mga artista, mahusay din ang istorya ng serye kaya tinututkan ng maraming manonood at laging pinag-uusapan sa social media.

"Dahil sa inyo kung bakit mas pinapaganda pa namin ang istorya ng 'My Special Tatay," sabi ni Ken.

Ang mga co-star niya sa serye, two thumbs up kay Ken.

"Masarap katrabaho si Ken. Napakagaan, napakahusay na aktor," ayon sa batikang aktor na si Jestoni Alarcon.

"This young man is a very talented young man. Very, very big, bright beautiful future," sabi naman ni Teresa Loyzaga.

"Masarap siya katrabaho kasi minsan natingnan mo pa lang siya maiiyak ka na eh kasi dala niya talaga 'yung character niya as Boyet," saad ni Lilet Esteban.

Inilarawan naman ni Candy Pangilinan si Ken na napakahusay, napaka-professional, napakabait at napakagaang katrabaho.

Napansin din ang husay nina Rita at Arra lalo sa mga mabibigat na eksena.

"I go to places and I do some research also about kung sino 'yung mga katulad ni Aubrey in real life," ayon kay Rita.

"Moment to moment lang talaga, lalo na kapag nandito ka na sa tenement tapos nakikita mo na 'yung mga tao, nagbe-blend in ka na eh, nandu'n ka na sa character mo," para naman kay Arra.

Isang one big happy family ang turingan nila sa set, kahit pa puno lagi ng drama ang "My Special Tatay."

At dahil sa sobrang close nila, madali na lang para kay Ken na mapalingon ang kaniyang co-stars sa kaniyang 'Kapag Lumingon Ka Challenge" at "Prank Ganern!" paandar sa Instagram.

Pinakitaan ni Ken ang Unang Balita ng kaniyang ala Boyet moves sa mga challenges, at kung paanong madaling napapalingon ang kaniyang co-actors. --FRJ, GMA News