Matapos magpasaya sa kani-kanilang concert, nagkawang-gawa naman sina Alden Richards at Kyline Alcantara matapos na i-donate ang bahagi ng kanilang concert proceeds sa GMA Kapuso Foundation.

 


Nitong nakaraang Setyembre 21 nang gawin ni Alden ang kaniyang
Adrenaline Rush concert na dinagsa ng mga nagmamahal na tagasuporta sa Kia Theater.

Sinamahan si Alden ni GMA Records General Manager Rene Salta nang personal na magtungo sa GMA Kapuso Foundation at ibigay kina GMAKF Founder and Ambassador Mel Tiangco at GMAKF EVP and COO Rikki Escudero-Catibog ang bahagi ng kinita mula sa kaniyang concert.

Isa sa mga benepisyaryo ng donasyon ay ang rehabilitasyon ng Camp Bagong Amai Pakpak Elementary School sa Marawi City, na nasa ilalim ng Rebuild Marawi Project ng GMAKF.

"All of the things that I’m doing, nagkakaroon siya ng purpose kapag nakakatulong ako sa iba through the work that I do for the Network, for myself, and for the audiences of GMA. Natutuwa ako ngayon dahil nakita ko yung mga plano ng schools na tutulungan natin sa Marawi and I’m assured that the funds we are donating are going to the ones in need," sabi ni Alden sa isang pahayag.

"Isa rin sa mga sinisigurado namin na hindi lang kami nagko-concert para mag-perform and to entertain people, but we also do this para makapag-raise ng funds to help charity, especially GMA Kapuso Foundation," dagdag pa ni Alden.

Pinasalamatan naman ni Tita Mel ang pagtulong ni Alden.

"Kaya patuloy din siyang bini-bless ng Panginoon kasi hindi niya nakakalimutang mag-share at hindi niya nakakalimutan yung mga nangangailangan. Nakikita rin niyang the Foundation is working very hard to help our countrymen in Marawi," ani Tita Mel.

Si Kyline naman, ibinahagi rin sa isa pang benepisyaryo ng GMAKF ang proceeds sa matagumpay niyang "Take Flight" concert noong Setyembre 8.

Bukod dito, nag-contribute rin si Kyline sa rehabilitasyon ng mga silid-aralan sa iba't ibang parte ng home province niyang Bicol.

Hinikayat ni Kyline ang kabataan na tumulong sa mga nangangailangan.

"Sana maging inspirasyon po ito para sa mga kabataan na tumulong pa," anang aktres.-- FRJ, GMA News