Sa Instagram post, ikinuwento ni Miss Earth Canada Jaime Vandenberg ang umano'y sexual harassment na kaniyang naranasan sa kalagitnaan ng pageant dito sa Pilipinas. Paliwanag naman ng organizer ng patimpalak, hindi nila alam ang nangyari sa kandidata.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing hindi na tinapos ng 21-anyos na si Jaime ang kompetisyon at kaagad na umalis sa Pilipinas.

Kuwento ni Jaime sa kaniyang IG post, umalis kaagad siya dahil pakiramdam niya ay hindi siya ligtas sa pangangalaga ng organizer ng patimpalak.

Sa pangalawang araw pa lang daw ng pageant, may isa raw sponsor na hindi niya pinangalanan na nakakuha ng kaniyang number nang walang pahintulot niya.

Tinawagan daw siya nito at hiningi ang pangalan ng hotel at room number niya. Ipinasa naman daw niya ang kaniyang cellphone sa isang team manager para maiayos ang lahat pero wala raw nangyari.

Lagi pa rin daw itong nagpapakita sa kaniya sa halos lahat ng events nila at sinabi sa kaniya na tutulungan siya nito sa pageant kapalit ang aniya'y sexual favors.

Patuloy ni Jaime, matapos ang ilan pang insidente, dumulog na siya at iba pang kandidata kay Miss Lorraine na in-charge sa pageant.

Dalawang linggo raw siyang nakaranas ng sexual harassment bago pa raw ito naharap.

Sinabihan din umano siya na hindi na rin niya makikita ang sponsor pero marami pa raw issue na hindi pa rin nasolusyunan.

Isa pang empleyado ng pageant ang kumausap daw sa kaniya sa isang event at sinabihan siya tungkol sa kahalagahan ng pagiging friendly sa mga sponsor.

Pinayuhan din daw siya nito na huwag ilagay ang sarili sa alanganing posisyon.

Dito na raw niya na-realize na hindi niya siya dapat nalagay sa ganoong mga sitwasyon.

Kinumpiska raw ng organization ang kaniyang passport niya sa unang araw pa lang kaya pakiramdam daw niya na hindi siya makakaalis.

Tuluyan na raw siyang nawalan ng kompiyansa sa organization nang pinasok ng team managers ang kuwarto niya at kinuha ang ilang gamit niya nang hindi nagpapaalam sa kaniya.

Namatayan pa umano siya ng kaanak habang kasagsagan ng pageant.

Sa huli, nagpasalamat siya sa mga kaibigang tumulong para mabawi ang kaniyang passport at makaalis.

Paliwanag naman ni Lorraine Schuck, executive vice-president ng Carousel Productions na organizer ng miss earth, bawat grupo ay may kaniya-kaniya talagang team managers na puwede nilang pagsabihan kung anuman ang kanilang problema.

Pero hindi raw nila nalaman agad ang mga sinasabi nito dahil, "She never told us. She came her on the 6th. We found out about it on the 14th. She never told anyone."

May nakatalaga rin daw na siyam na police women para pangalagaan ang seguridad ng mga kandidata.

"So galit na galit ako sa mga team managers kasi kung ako tinawagan nila at may incident na gano'n, ipu-pull-out ko lahat cause I won't allow that to happen," saad niya.

Hiningi raw ni Jaime ang kaniyang passport na ibinigay rin nila kaagad, at bigla na raw itong nawala noong October 22.-- FRJ, GMA News