Inaresto ng mga awtoridad nitong Lunes ang aktres na si Keanna Reeves dahil sa kinakaharap na reklamong cyber libel.

Batay sa police report, dinakip si Keanna, Janet Derecho Duterte sa tunay na buhay, sa panulukan ng Timog Avenue at Scout Ybardolaza sa Quezon City batay sa warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Maria Florencia Formes-Baculo ng Laguna Regional Trial Court Branch 34.

READ: Keanna Reeves, sinampahan ng cyberlibel ng may-ari ng food park na kaniyang pinagtanghalan

Inilabas umano ng korte ang arrest warrant laban sa aktres noong November 7.

Nakasaad sa Revised Penal Code na ang libelo ay, “public and malicious imputation of a crime, or of a vice or defect, real or imaginary, or any act, omission, condition, status, or circumstance tending to cause the dishonor, discredit, or contempt of a natural or juridical person, or to blacken the memory of one who is dead.”

Matapos madakip, dinala ang aktres sa Criminal Investigation and Detection Group Regional Office sa Laguna para sa kaukulang pagproseso sa kaniyang pagkakaaresto.

Nagrekomenda naman si Judge Baculo ng P20,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Keanna.

Ang kaso ay kaugnay sa isinampa ng isang negosyante. -- Llanesca T. Panti/FRJ, GMA News