Bilang pasasalamat sa fans, gumawa ng 2019 calendar ang Kapuso star na si Andrea Torres na may kasamang mga sexy photo niya. Kasabay nito, nagbigay din ng hint ang aktres tungkol sa magiging finale ng kinabibilangan niyang hit primetime series na "Victor Magtanggol."

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Andrea na siya mismo ang nag-conceptualize at nag-produce ng kaniyang calendar kung saan makikita ang mga larawan niya suot ang mga intimate sports wear.

"Gusto ko lang makabigay ng parang pa-thank you sa fans ko kasi grabe rin naman silang magbigay ng suporta sa Twitter, sa Instagram," paliwanag niya.

Noong nakaraang buwan lang daw sinimulan ni Andrea ang ginawa niyang espesyal na kalendaryo at marami raw siyang isinakripisyo para ma-achieve ang kaniyang beach-ready body.

Saad niya, kabilang sa kaniyang paghahanda ang pagwo-workout kahit madaling araw pagkatapos ng taping.

Ipinayo rin ng aktres sa mga nagbabalak magbawas ng timbang o mag-diet na hindi nakakatulong ang mag-crash diet at sa halip ay dapat talagang magkaroon ng healthy lifestyle.

Samantala, bitter sweet naman ang nararamdaman ni Andrea sa pagtatapos ng "Victor Magtanggol" na pinagbibidahan ni Alden Richards.

Aniya, tiyak na magugulat daw ang mga manonood sa huling makakalaban ni Victor.

"Hindi nila aakalain na 'yon yung taong makakalaban ni Victor sa finale. Abangan nila kung sino yung makakalaban niya," pag-anyaya ni Andrea.-- FRJ, GMA News