Sa ika-23 taong anibersaryo ng longest-running gag show na "Bubble Gang," may inihandang sorpresa ang grupo para sa mga manonood.


Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inihayag ni Michael V., isa sa mga nangunguna sa programa, ang malaking pasasalamat sa suportang natatanggap sa mga viewer.

Aniya, kahit kung minsan ay tila nauubusan na raw sila ng mga patawa, lagi pa rin silang nakakabuo ng mga bagong ideya basta't sama-sama.

At sa kanilang anniversary special, sinabi ni Bitoy na magbabalik ang ilang mga karakter na kanilang nabuo sa mga nagdaang taon.

"Ginather [gather] namin 'yung mga character from the past episodes ng 'Bubble Gang' at pinagsama-sama namin sila sa isang napakasayang journey," kuwento ni Bitoy.

"Bubble Gang: 23 Oras," ang napiling titulo sa kanilang anniversary special ngayong taon, na hango sa primetime news program ng GMA Network na "24 Oras."

Sa ginanap na press conference nitong Lunes, umaasa si Bitoy na magtatagal pa nang maraming taon ang kanilang programa sa tulong at suporta ng mga manonood.

“From the bottom of our hearts, thank you very much,” saad niya.

Mapapanood ang anniversary episode ng "Bubble Gang" sa November 23. — FRJ, GMA News