Excited sina Dingdong Dantes at Dennis Trillo na maipalabas ang bago nilang Kapuso action-drama primetime series na "Cain At Abel." Pero paglilinaw ng dalawa, hindi ang makipagkompetisyon sa ibang programa ang layunin nila kung hindi ang makapagbigay ng de-kalidad na panoorin sa mga tao.

"The action is just incidental, pero 'yung talagang core ng istorya ang aabangan dito. In fact 'yon 'yung isa sa mga dahilan na na-excite akong tanggapin itong proyekto, bukod sa the fact na ang makakasama ko dito ay si Dennis Trillo," saad ni Dingdong sa showbiz press sa media conference ng "Cain At Abel" sa Quezon City nitong Martes ng gabi.

 

 


"At a certain point, magiging 'Cain at Abel' din kami pareho. Bahala na kayo kung kailan niyo makikita 'yon, pero wala kasing mabait, walang masama sa characters namin, pareho kaming gray eh. Pareho kaming andu'n sa kalagitaan na flawed 'yung characters namin," dagdag pa ni Dingdong.

Gagampanan ni Dingdong si Daniel Larrazabal, samantalang si Dennis ay si Miguel Larrazabal/Elias. Magkapatid sila na paghihiwalayin ng tadhana dahil sa away ng kanilang mga magulang.

Maiiwan si Daniel sa kaniyang tatay, samantalang dadalhin si Miguel ng kaniyang nanay sa isang malayo at may kahirapan na lugar. Dito matututo si Miguel na magnakaw para mabuhay.

Paglilinaw ni Dingdong, hindi na nila iniintindi ang kompetisyon sa iba pang programa.

"Wala naman kami dito para makipagkompitensya kanino man kasi naniniwala ako na ang mga manonood may sariling...may iba-ibang gusto at iba't ibang panlasa. And gagawin namin ang lahat para maibigay sa kanila 'yon."

Ang mga maaksyong eksena sa "Cain At Abel" ang tunay na pressure daw para kay Dingdong.

"Sa tingin ko 'yung material itself, 'yung hirap ng material na gawin, du'n pa lang pressure na sa amin 'yon. Mas gusto namin na nandu'n ang aming atensyon kaysa sa kung ano mang bagay. Kasi 'yun naman ang trabaho namin eh, gampanan ang role eh, hindi naman para mag-monitor ng ratings," paliwanag niya.

Sinegunduhan ni Dennis ang sinabi ni Dingdong tungkol sa hangarin na makagawa ng magandang programa.

"Nu'ng umpisa po, hindi naman po namin alam kung saang timeslot kami ilalagay. So sa ganu'ng pag-iisip namin, talagang pinilit namin na makapag-produce ng quality na programa na kahit saang timeslot pa kaming ilagay, kahit ano pang itapat na show, eh tatayo at lalaban pa rin siya," saad ni Dennis.

"Ang gusto lang namin ay makapag-offer ng magandang alternatibong programa para sa mga manonood na naghihintay ng mga bagong aabangan sa telebisyon," dagdag niya.

Naniniwala rin ang aktor na magkakaiba ang panlasa ng mga manonood ngayon.

"Dahil ngayon, andami nang magagandang content sa Netflix, iflix, mga streaming videos, so gusto namin makapanood sila ng ganu'ng quality sa free TV," paliwanag niya.

Mapapanood ang "Cain At Abel" simula sa Nobyembre 19 pagkatapos ng "24 Oras" sa GMA Telebabad.-- FRJ, GMA News