Walang lovelife pero aminado ang Kapuso actor na si Jeric Gonzales na lumalabas siya para sa "casual dating" o "getting to know" stage.

"Kasi for now mahirap pagsabayin [ang lovelife at career]. So priority ko talaga 'yung career. Kung may dumating, it's always career pa rin 'yung naging priority. Pero kung meron naman, bakit hindi," saad ni Jeric sa kaniyang GMA Records contract signing nitong Martes.

Ayon pa sa aktor, non-showbiz ang mga kaibigan na nakakasama niya kapag lumalabas.

Sa harap ito ng mga balitang maganda ang samahan nila ngayon ni Pauline Mendoza, na nakasama niya sa dating GMA series na "Kambal, Karibal."

Pagpirma sa GMA Records

Samantala, natupad naman ang isang pangarap ni Jeric na maging recording artist matapos pumirma ng kontrata sa GMA Records.

 

 


"Finally, ito na dumating na siya, sinign (sign) na ako ng GMA Records. I'm very happy na magagawa ko na 'yung gusto ko rin [ang kumanta maliban sa pag-arte]." saad ni Jeric.

Inihayag ni Jeric na dati na rin siyang nagsusulat ng mga kanta kaya labis ang pasasalamat niya sa GMA Records dahil mailalabas na niya ang hilig sa musika.

"Sobrang na-overwhelmed talaga ako and na-touch ako sa GMA kasi until now, hindi nila ako pinapabayaan. Tapos ngayon, pinagbigyan na nila 'yung gusto ko na ito, magawa ko 'yung isa sa pinakagusto kong gawin which is music yung first love ko. And maipakita ko pa talaga 'yung ibang talent ko," ayon sa aktor.

Kuwento pa niya, "Naaalala ko nu'ng bata pa ako, sa school kahit na ano, acapella lang pinapakanta talaga ako... mga contest. Ever since talaga kumakanta na ako, naggigitara na ako, tapos until nag-high school ako and college, banda naman, kanta rin, so into music din talaga."

Iba't-ibang genre daw ng musika na nais gawin ni Jeric.

"Well 'yung Jeric na nakilala nila which is sweet. And then 'yung mapagmahal and then, may mga song lang na siyempre from experience, 'yung mga dark side, du'n ko rin ipapakita. More on musicality din, makikita nila na magaling din akong maggitara, mag-piano, mag-drums, mga gano'n. Mai-showcase ko na 'yung talent ko," saad niya.

Tiyak daw na maraming makaka-relate sa kaniyang mga naisulat na kanta na base umano sa mga personal niyang karanasan.

"Actually madaming (inspiration) kasi du'n naman talaga nagsisimula 'yung song eh. Du'n ka talaga huhugot sa personal experience. Hindi ko na ime-mention kung sino siyempre, pero madami, from heartaches, siyempre, gano'n, 'yung breakups before, and then 'yung na-in love ka. So ayun, abangan nila, and malalaman naman nila siguro soon kung sino," saad ng "Ika-5 Utos" actor.

Tanungin tungkol sa paggawa niya ng album sa hinaharap, paliwanag ni Jeric, "In the future siguro kapag nakabuo na kami ng mga five to six songs or mas marami pa. Pero for now, gusto kasi namin, isa-isa lang muna para maganda 'yung song tapos focus talaga, and then more 'collabs' muna siguro." -- FRJ, GMA News