Bukod sa pagdalo sa birthday celebrations ni Kathryn Bernardo, present din si Alden Richards sa ginanap na housewarming party naman ng aktres.

Sa mga post sa Instagram Stories ng celebrity fashion stylist na si Priscilla Tañedo, makikita si Alden na kabilang sa mga celebrity guest ni Kath.

Nang tawagin si Kathryn para magsayaw, makikita si Alden sa background na nakatingin sa aktres.

Bukod sa mga larawan ng dalawa, may mga kuha rin sila na kasama ang iba pang bisita.

Kabilang sa celebrities na present sa housewarming party  ng aktres ay sina Maymay Entrata, Darren Espanto, at Kakai Bautista.

Nag-viral sa social media kamakailan ang mga larawan ng dalawa nang dumalo sa birthday celebration ni Kath sa El Nido si Alden. Present din muli si aktor sa post birthday celebration pa ng aktres.

Unang nagtambal at naging magkaibigan ang dalawa sa box office movie na “Hello, Love, Goodbye” noong 2019.

Nang tanungin kamakailan si Alden tungkol sa real score sa kanila ni Kathryn, sinabi niya na "what you see is what you get."

"Hindi lang din talaga kailangan lagi ipamalita sa social media 'yung mga ganiyan. You know, sometimes 'yung mga personal things that's happening, better be personal na lang," ani Alden.

Walang napapabalitang kasintahan si Alden, habang kinumpirma nina Kathryn at Daniel Padilla ang kanilang paghihiwalay noong nakaraang Nobyembre. — FRJ, GMA Integrated News