Napansin ng mga follower ni Bea Alonzo sa Instagram na nawala ang mga larawan ng kaniyang ex-fiancé na si Dominic Roque.

Bago ang opisyal na pahayag ng dalawa na tinapos na nila ang kanilang engagement, dating ipino-post ng Kapuso actress ang mga larawan nila ng aktor, kabilang ang kanilang mga biyahe.

Pero nitong Linggo, hindi na makikita ang mga naturang larawan ng dalawa sa IG account ni Bea.

Gayunman, makikita pa rin naman sa vlog ng aktres na nasa Youtube, ang mga video na kasama niya si Dominic, kabilang na ang pamamasyal nila sa Japan noong Enero lang.

Taong 2021 nang magkamabutihan sina Bea at Dominic, hanggang sa ianunsiyo noong July 2023 ang kanilang engagement.

Plano sana nilang magpakasal na sa taong ito. Pero nitong nakaraang Pebrero makaraan ang ilang linggo espekulasyon ng kanilang paghihiwalay, naglabas ng pahayag ang dalawa na winawakasan na nila ang kanilang engagement.

Nakatakdang bumida si Bea sa upcoming series na "Widow's War," kasama si Carla Abellana. —FRJ, GMA Integrated News