Sinariwa ni Jackie Gonzaga kung paano siya nagsimula sa “It’s Showtime” bilang isang backup dancer hanggang sa mabigyan ng big break at maging co-host ng noontime show.

 “Nag-start po talaga ako as dancer sa It’s Showtime. Ako po ang nag-a-assist kasi ‘yon po ang work namin doon, backup dancer. Nag-a-assist sa mga segment, taga-abot ng bowls, questions and everything,” kuwento ni Jackie sa Unang Hirit nitong Martes.

“Tapos si Ate Vice [Ganda], inookray niya palagi ‘yung mga dancers talaga,” pagpapatuloy ni Jackie.

Kaiba sa ibang dancers, naging "palaban" si Jackie sa pakikipagbatuhan ng lokohan kay Vice.

“Sumakto na ako ‘yung isang dancer na inokray niya na sumasagot. ‘Yung iba kasi nahihiya. Kapag ako [ino-okray], sumasagot talaga ako sa kaniya,” saad niya. “Laban na!”

Dahil dito, nagkaroon ng maraming eksena si Jackie kasama si Vice, at kinatuwaan ng mga manonood ang batuhan nila ng hugot lines.

Kalaunan, sumikat ang tandem nila na #ViceJack.

“Actually mahilig po ako sa pickup lines talaga during that time, tapos lagi ko talaga siyang pinapanood, giliw na giliw ako kay Ate Vice bago pa kami nagkaroon ng banter moment,” kuwento ni Jackie.

Ang sikreto ni Jackie para mabilis lagi ang kaniyang pag-iisip tuwing live, “dapat nagbe-breakfast.”

Bukod dito, viral din ang mga video ng kaniyang pag-split habang nagdi-dribble.

“Sobrang thankful and grateful po kaming lahat at sobrang saya namin kasi palaki na nang palaki ‘yung pamilya, marami nang nakakapanood, lalo na nadagdagan tayo ng mga Madlang Kapuso!” sabi ni Jackie matapos mapanood na ang It’s Showtime sa main channel ng Kapuso Network.-- FRJ, GMA Integrated News