Inilahad ni Janno Gibbs na kasama niya si Bing Loyzaga sa mga huling sandali ng kaniyang amang si Ronaldo Valdez bago ito tuluyang pumanaw sa kanilang bahay noong nakaraang Disyembre. Dahil dito, nagkaroon ng trauma ang kaniyang asawa at lalo namang tumibay ang kanilang pagsasama.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, naging emosyonal si Janno nang balikan ang mga huling sandali na kapiling pa niya si Ronaldo.

“Actually nakapagpaalam ako sa kaniya, ako lang Tito Boy. Before the ambulances and the police came, I was there in his horrible state. And I got to say my goodbyes. I was talking to him, of course he was not answering. I got to kiss him and say ‘I love you. Thank you,’” saad ni Janno.

Dagdag ni Janno, humihinga pa si Ronaldo nang kausapin niya ito, kaya alam niyang narinig nito ang kaniyang mensahe.

“I still miss him,” pag-amin niya, at sinabing nalilimutan niya minsan na namaalam na ito.

“I still forget. Kailan pa lang naman eh. Halimbawa may family birthday kami, naiisip ko ‘Ah makikita ko siya…’ ‘Ay oo nga pala, wala na siya,’” anang aktor.

Dahil sa nangyari, naging matatag pa lalo sila ng kaniyang asawang si Bing.

“Alam naman ng lahat na we have gone through rough patches… We’re married, so we just had bad days, bad moments," sabi ni Janno. “We’re in a good place now, especially because of what happened with my dad. It was me and Bing who were there. Kami lang ang nakakita sa kaniya in his state.” 

Ngunit dahil sa nangyari, sinabi ni Janno na nagkaroon ng trauma si Bing.

"Na-traumatize si Bing. ‘Yung kids ko naman, ‘yung isa nakatira na abroad, ‘yung isa may sarili na ring buhay. Kami ang security blanket ng isa’t isa sa ngayon,” pagbahagi pa ni Janno.

“Na-traumatize siya with what happened. Kasi wala na rin ‘yung daddy niya, so daddy ko ‘yung daddy na niya, ‘yun na lang ang tatay niya,” pagpapatuloy ni Janno.

Dahil dito, palaging magkasama sina Janno at Bing.

“Na-traumatize siya, so hindi ko siya puwede iwanan, hindi rin niya ako puwedeng iwanan mag-isa. Now we’re in a good place,” ayon sa aktor.

Binanggit ni Tito Boy ang isang panayam kay Janno na magkahiwalay sila noon ng kuwarto ni Bing kapag natutulog. Ngunit ngayon, muli na silang magkasama.

“Yes. Well, primarily because nga medyo takot pa,” sabi ni Janno.

Pumanaw si Ronaldo sa edad 76 noong Disyembre 2023.

Nakagawa pa sila ng pelikula ng kaniyang ama na "Itutumba ka ng Tatay Ko," na siya ang direktor sa unang pagkakataon. -- FRJ, GMA Integrated News