Sa programang "Tonight With Arnold Clavio," inihayag ng broadcast journalist na si Atom Araullo na masaya siya sa pagiging Kapuso dahil nakakagawa siya ng mga dokumentaryo na talagang kinahiligan niya.

"Natutuwa ako sa mga ginagawa kong trabaho ngayon, marami akong natututunan, maraming magagaling na nakakasama dito. Hopefully mas marami pang matuwa in the future," saad ni Atom tungkol sa mga proyekto sa GMA.

Kabilang sa mga ginagawang dokumentaryo ni Atom ay tungkol sa kalikasan gaya ng "Philippine Seas," "Akyat," at "Underground."

Ipalalabas sa May 27, 2018, ang pinakabago niyang documentary special na "Shark Land" na tampok ang mga pating at butanding.

Mayroon ding online episodes si Atom na pinamagatang "Adulting," kung saan tinalakay niya ang buhay ng pagtatanda. Kabilang sa kaniyang naging paksa ay kung paano mabuhay nang wala sa bakuran ng mga magulang, makaligtas sa "petsa de peligro" at paano makapasok sa trabaho.

Dahil dito, nagpayo si Atom sa isang netizen na nagbabalak umalis sa trabaho dahil ayaw niya gusto ang kaniyang ginagawa pero nag-aalinlangan siya dahil kailangan niyang kumita ng pera.

"Sinasabi ko nga lagi na hindi natin dapat maliitin 'yung stability sa trabaho dahil may pagkakataon, may mga umaasa sa'tin. Pero kung hindi ka nag-e-enjoy, o kaya naman mahanap mo 'yung passion mo sa labas ng trabaho, pero kung tingin mo kailangan mo mag-take ng risk para magkaroon ng growth, then go for it kasi you only live once," saad niya.

Kung minsan, makabubuti rin umano na bigyan ng sapat na panahon ang sarili na makabisa ang trabaho, at huwag kaagad aalis kung nakaka-isa o dalawang taon pa lang sa pinapasukan.

Payo naman ni Atom sa mga "pressured" sa buhay dahil nagtatagumpay ang kanilang mga kaibigan samantalang tila hindi naman sila umuusad, kailangan nilang alamin kung ano ang mahalaga sa kanila. Panoorin.

Click here for more GMA Public Affairs videos:

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News