Isang lotto outlet sa Bangued, Abra ang napilitang magsara matapos masira ang printer nito sa dami ng tumataya para sa Ultra Lotto 6/58.

"Sa dami po ng nagtataya, sir, bumigay na po 'yung printer namin, sir," sabi ng teller sa nasabing lotto outlet, ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Martes ni Bam Alegre.

Ipinaalam na ito sa Philippine Charity Sweepstakes Office para agad mapalitan ang printer.

Ang bola para sa Ultra Lotto 6/58 ay gaganapin nitong Martes ng gabi.

Ang jackpot prize ay umabot na ng P1 bilyon.

Ito na ang pinakamalaking premyo sa kasaysayan ng lotto sa Pilipinas.

"Phenomenal po ito, record-breaking. Imagine, one billion pesos. 'Di po namin inaasahan... Ang wish din namin sana po marami ang tumama," ani Arnel Casas, PCSO assistant general manager for the Gaming, Product Development and Marketing Sector.

Habang lumalaki ang premyo, mas dumarami ang tumataya.

Tanghali pa lang, napakahaba na ng pila sa lotto outlet sa Kidapawan, Cotabato.

Mahaba rin ang pila sa Siniloan, Laguna.

Ganoon din ang sitwasyon sa mga lotto outlet sa Metro Manila, katulad sa isang mall sa Mandaluyong City, base sa kuha ng YouScooper na si Mark Lester Sonza nitong Lunes.

 

 

Ang ilang mga nakataya na ay may plano na kung ano ang gagawin sakaling mapanalunan ang jackpot—tulungan ang pamilya at bumili ng bahay at lupa.

Halos P5B kita

Simula Pebrero, halos P5 bilyon na ang kinita ng PCSO mula sa mga taya sa Ultra Lotto.

Nakapagbigay na ng P1.4 billion ang PCSO sa charity.

Mula Enero, ang P6 bilyong kinita ng PCSO mula sa lahat ng games ay napunta sa charity.

Ang beneficiaries naman ng PCSO ay umabot sa 352,562.

Thirty percent ng revenue ng PCSO ay napupunta sa charity, tulad ng medical assistance para sa mga mahihirap.

"Nagbibigay kami ng tulong sa lahat ng nangangailangan but we give preference to those individuals na mas nangangailangan. Ito ho 'yung indigents," ani Larry Cedro, assistant general manager for charity sector ng PCSO.

Paalala

Nagpaalala ang PCSO sa mga tumataya na ingatan ang ticket. Bawal itong mabasa, mainitan, o malukot.

Kung sakaling makuha ang jackpot na anim na number combination, makukuha ang premyo sa main office ng PCSO sa Mandaluyong City. Dalhin lamang ang dalawang government-issued ID at ang winning ticket.

Ang mga premyo sa lotto na higit sa P10,000 ay papatawan ng 20 percent tax ayon sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law. —KG, GMA News