Ipinuslit at tinambak sa Cagayan de Oro ang mga basurang galing pa sa South Korea, ayon sa ulat sa "Balita Pilipinas Ngayon." 

Wala raw import permit at misdeclared ang shipment ng mga basurang dinala sa Misamis Oriental mula sa South Korea.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), idineklara na plastic synthetic plates ang laman ng mga kargamento, pero pinaghalong mga toxic at biohazardous waste pala ang mga  laman nito, tulad ng mga lumang baterya at mga medical waste gaya ng dextrose tubes at diaper.

Tinatayang hihigit sa 30 tonelada ang bigat ng basurang ito na nakatambak ngayon sa bakanteng lote sa Cagayan de Oro City, ayon sa pagtataya ng DENR.

Bukod dito, may natuklasan pang 51 container na naglalaman din ng basura.

Kakasuhan daw ng ahensya ang may-ari ng kumpanyang nag-import nito.

Sabi ng Ecowaste Coalition, hindi katanggap-tanggap ang pagtapon ng mga basura sa Pilipinas mula sa ibang bansa at gusto nilang ibalik sa South Korea ang mga basura. — Joviland Rita/ LDF, GMA News