Dalawang Pinoy ang nasawi, at tatlong iba pa ang nasugatan matapos silang masangkot sa banggaan sa Jizan, Saudi Arabia.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabi ni Consul General Edgar Badajos ng Philippine Consulate sa Jeddah, na papunta sana grocery ang mga Pilipino nang masalpok ng van ang kanilang sinasakyan noong Huwebes.

Patuloy na nagpapagaling sa ospital ang mga sugatan na nagtamo ng mga bali sa binti.

Naipagbigay-alam na umano sa mga pamilya ng mga Pinoy ang kanilang sinapit maging sa kanilang mga pinapasukang kumpanya.

Nangako naman ang konsulado na tutulong sa isinasagawang imbestigasyon, paghahabol at pagsasampa ng kaso sa nakabanggaan nilang driver na isa umanong Saudi national.

"Kung may kasalanan ang driver ng GMC [na nakabanggaan ng mga Pinoy], of course, meron 'yang kaso. Maaari nating habulin. Isang tulong natin sa mga namatayan at mga na-injured ay ang pagtulong sa kaso na isasampa sa driver," ayon sa opisyal. --FRJ, GMA News