Nagpahayag ng pagdududa ang mga kaanak ng overseas Filipino worker sa Saudi Arabia na unang naiulat na nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti. Maging si Labor Secretary Silvestre Bello III, nagtataka kung bakit maraming tali na nakita sa biktima.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Martes, inilarawan ni Joshua Barrios na masayahin at mapagmahal ang kaniyang inang si Jovelyn na nagtrabaho bilang domestic worker sa Riyadh, Saudi Arabia na nagsimula noong 2015.

At dahil may plano umanong umuwi sa Agosto si Jovelyn, hindi makapaniwala ang kaniyang mga kaanak nang malaman nilang nagbigti umano ito noong June 13.

"Hindi po iyan magagawa ni mama kasi uuwi na siya ngayong August po," ayon kay Joshua.

Noong July 2017, nakapagbakasyon pa umano sa Pilipinas si Jovelyn. Pero pagbabalik umano nito sa Saudi matapos ang isang buwang bakasyon, nag-umpisa na raw sumama ang pakikitungo ng babaeng employer sa OFW.

"Ang sabi niya nga, 'Joshua hindi mo lang alam kung gaano kahirap ang buhay dito, gusto ko nang umuwi,'" ayon kay Joshua na sinabi umano ng ina.

Dagdag ni Joshua, "Yung babae na amo niya raw po sobrang maldita po daw."

Sa hiwalay na ulat sa GMA News "Saksi," sinabi ng kapatid ni Jovelyn na si Jovanne Barrios, na maraming tali ng lubid na nakitang nakapalupot sa kaniyang kapatid.

"Hindi niya magawa ito kasi sa daming lubid na nakapilipit sa leeg niya. Sila po nagbigti nito, sir, posible," ani Jovanne.

Nakikipag-ugnayan na ang Labor officials ng Pilipinas sa mga awtoridad sa Riyadh upang malaman kung ano talaga ang nangyari kay Jovelyn.

Nais ding malaman ng mga opisyal ng Pilipinas kung may foul play na nangyari sa OFW dahil bukod sa kawalan ng suicide note ay kaduda-duda umano ang hitsura ni Jovelyn nang makita.

"Bakit ang daming tali? So medyo may reason to doubt the theory of suicide," sabi ni Bello.

Inaasikaso na umano para maiuwi na sa Pilipinas ang mga labi ni Jovelyn. Bibigyan ng scholarship ang kaniyang dalawang anak.

Inihayag naman ni Bello na rerepasuhin na rin nila ang kasunduan sa KSA dahil sa nangyari kay Jovelyn.

"Definitely we are going to revisit the existing bilateral agreement with Saudi with the end in view of providing more protection for our OFWs," anang kalihim. -- FRJ, GMA News