Masama ang loob ng isang mister sa sinapit ng kaniyang misis na overseas Filipino worker sa Saudi Arabia na namatay dahil umano sa brain cancer. Pero bago pumanaw, nakunan ng video ang OFW na inirereklamo ang kaniyang amo.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, ipinakita ang video na kuha noong May 22, 2018 na nakakausap pa ang namayapang OFW na si Sabina Gipa.

Nang sandaling iyon, nasa loob na ng dormitoryo para sa mga distressed OFW ng Philippine Embassy sa Riyadh si Gipa na makikitang nanghihina at mabagal ang pagsasalita.

Sa video, maririnig na idinadaing niya ang pananakit ng ulo at inirereklamo rin niya ang kaniyang employer.

Ayon mister ni Gipa na si Walter, kaagad siyang nakipag-ugnayan sa recruitment agency ng asawa nang makita niya ang naturang video na ipinadala sa kaniya.

"Alam mo sabi sa akin sir, 'Ang asawa mo okay naman dun two hours lang nagtratrabaho," kuwento ni Walter.

Sinabihan din umano siya na nagbabaliw-baliwan ang kaniyang misis.

Ayon kay Walter, sinabi niya sa recruitment agency na, "Naging kampante ako sa sinabi n'yo pero once may mangyari sa asawa ko babalikan ko kayo."

Pero lumala ang kalagayan ni Sabina hanggang sa hindi na ito nakapagsasalita at panay na lang ang ungol.

Nang dalhin sa ospital, doon na binawian ng buhay ang OFW noong June 8. Pero June 10 pa raw nang malaman nina Walter ang pagpanaw ng asawa.

Sa death certificate ni Sabina, nakasaad na brain cancer ang ikinamatay niya.

Sinisisi ng pamilya ni Sabina ang recruitment agency sa umano'y kapabayaan sa nangyari. May panahon pa raw sana na masagip o mapauwi siya ng Pilipinas kung nakinig lang ang recruitment agency sa kanilang hinaing.

"Ang sabi ng nag-aalaga du'n kay Sabina, bilisan niyo na ate dahil si Sabina puwede pang maglakad ng mga araw na 'yon sir pwede pang sumakay sa eroplano at nakapagsalita pa," kuwento ni Rose Barroa-Buhat, pinsan ni Sabina.

Hiningan ng panig ng GMA News ang recruitment agency ni Sabina at sinabing handa silang tumulong sa mga gastusin at pagpapauwi ng mga labi ng OFW.

Hindi rin umano sila nakatanggap ng anumang impormasyon na minaltrato si Sabina ng amo.

Samantala, hindi muna nagbigay ng pahayag ang Philippine Overseas Employment Agency dahil naghihintay pa sila ng clearance bago magsalita.--FRJ, GMA News