Isasailalim sa awtopsiya ang mga labi ng dalawang domestic workers na sinasabing nagpakamatay sa Lebanon at Saudi Arabia para malaman kung may foul play sa kanilang kaso.

Sa isang pahayag mula sa Department of Foreign Affairs nitong Huwebes,
sinabing masusing nakikipag-ugnayan ang embahada ng Pilipinas sa mga awtoridad sa Beirut at Riyadh.

“We know their loved ones are asking why our two kababayan would even think of taking their own lives and we assure them that our embassies in Beirut and Riyadh will try to get those answers for them before we bring them home,” ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Cayetano, hiniling umano ng Philippine Embassy sa Beirut na ipa-autopsy ang mga labi ng Pinay OFW na sinasabing tumalon mula sa ikaanim na palapag ng apartment ng kaniyang amo noong June 11.

Isasagawa umano ng court-appointed forensic doctor mula sa St. George Hospital ang pag-awtopsiya sa labi ng 35-anyos na OFW.

Napag-alaman na tubong Cagayan ang naturang OFW na nagpunta sa Lebanon noon lang Oktubre.

Samantala, tatlong taon nang nagtatrabaho sa kaniyang amo sa Al Hasa, KSA ang isa pang OFW na tubong-Agusan del Sur, na sinasabing nagbigti naman sa bahay ng kaniyang amo.

Ayon sa pahayag mula sa DFA, nagbigti sa pamamagitan ng electric cord ang 40-anyos na OFW, na may naiwang dalawang anak sa Pilipinas.

Inaasahang maisasagawa umano ang awtopsiya sa OFW sa Lebanon sa Biyernes, habang sa susunod na linggo naman isasagawa ang awtopsiya sa nasawing OFW sa Saudi Arabia.-- FRJ, GMA News