Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Risa Hontiveros sa kalagayan ng mga Pinoy sa Malaysia kaugnay sa ginagawang kampanya ng naturang bansa laban mga undocumented migrant workers.

Ayon sa mambabatas, sa ilalim ng tinatawag na "Ops Mega 3,"  nagsasagawa ng pagsalakay ang mga awtoridad ng Malaysia laban sa undocumented migrant workers at ikinukulong ang mga dayuhan na walang maipapakitang dokumento.

Batay umano sa mga lumabas na mga ulat, 228 na immigrants ang nadakip noong July 1, at 43 na iligal na manggagawa naman ang nadakip noong July 6.

"While I understand that the law must be followed, I ask the Malaysian government to ensure that procedures take into account human rights principles and proper observance of ILO conventions. It is important that as the law is observed, its implementation must be tempered to avoid abuse,"  saad sa pahayag ni Hontiveros nitong Miyerkoles.

"It is vital for us to understand that the phenomena of migrant and undocumented work materialize as a result of exploitation and systems that are naturally disadvantageous to the vulnerable sectors of society," dagdag niya.

Ayon sa senadora,  dapat hanapan ng solusyon kung papaano matutulungan ang mga undocumented workers upang maging legal ang kanilang pananatili doon dahil marami sa mga ito ang hindi rin umano nais na mapunta sa naturang sitwasyon.

Dagdag niya, marami sa migrant workers ang nagiging biktima ng human trafficking at mga illegal recruiter.

Bukod dito, sinabi ni Hontiveros na may mga manggagawa na napilitang tumakas sa kanilang mga pinagtatrabahuhan at nagiging undocumented worker dahil sa ipinatupad na patakaran ng nakaraang administrasyon ng Malaysia na kailangan kumuha ng pahintulot ang isang manggagawa sa kaniyang amo bago makalipat ng trabaho.

"This has been particularly problematic in cases of employer abuse, intimidation and exploitation, and sometimes forces workers into undocumented work as a way of escaping harmful situations," paliwanag niya.

"This is something that requires change on multiple fronts, most especially labor policy. We should never dehumanize workers. Because I am sure that if the law permitted more flexible means of entering work legally, they wouldn't have to resort to undocumented living as a means of protecting themselves," dagdag ng mambabatas. -- FRJ, GMA News