Patay ang isang Pinoy na nagtatrabahong security guard sa California nang basta na lang siya barilin ng isang lalaki habang kausap niya sa cellphone ang kaniyang asawa sa Pilipinas.

Sa online news site na www.ktvu.com, kinilala ang biktima na si Rolando Romero, 61-anyos. Nadakip naman kinalaunan ang suspek na umano sa krimen na si Cardell Coleman, 24.

Sa ulat, sinabing nangyari ang krimen dakong 5:00 am noong July 2. Malapit na umanong matapos ang duty ni Romero bilang security guard sa ginagawang pabahay sa Bayview District sa San Francisco, nang lapitan ito ng suspek at barilin.

Inabutan pa ng mga pulis ang duguang si Romero at isinugod nila sa ospital pero hindi na naisalba ang kaniyang buhay.

Sa tulong ng CCTV, nakilala ang salarin na si Coleman at naaresto sa sumunod na araw.

Nitong Martes, naghain sa korte ng guilty plea si Coleman sa krimen kahit inamin daw nito sa pulis ang pagbaril at pag-angkin sa nakitang baril na ginamit sa pagpatay kay Romero.

"No one deserves to die like this," ayon kay police Sgt. Tracy McCray.

Dagdag niya, "This is one of the more heinous acts of violence against someone. It wasn't expected, no pre-warning, nothing."

Sinabi rin ni McCray, na nagbigay ng $1,000 na donasyon ang San Francisco Police Officers Association sa GoFundMe page na ginawa ng mga kaanak ni Romero para maiuwi sa Pilipinas ang kaniyang mga labi.-- FRJ, GMA News