Nakauwi na sa bansa ang 51 distressed OFWs na galing sa United Arab Emirates (UAE), ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Miyerkoles.

Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na umabot na 702 OFWs ang kabuuang bilang ng mga migranteng manggagawa na nakabalik sa bansa mula sa UAE ngayong taon.

"We welcome home the latest batch of repatriates from Abu Dhabi who, sadly, fell prey to illegal recruiters," saad ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa pahayag.

"President Duterte’s marching order to the DFA is crystal clear: that we always fight for Filipinos wherever they are in the world," sabi pa ni Cayetano, na siniguro na patuloy ang DFA sa pagpapauwi ng mga nagigipit na Pinoy na nasa ibang bansa.

"Rain or shine, the DFA and other government agencies will do their best to address your concerns as you reunite with your loved ones in your respective hometowns," dagdag pa ng kalihim.

Inasikaso ng DFA ang pagpapabalik sa mga Pinoy, kabilang ang kanilang exit visas at airfare, pati na ang pag-uwi nila sa kani-kanilang probinsya gamit ang Assistance to Nationals Fund.

Tinulungan naman ng mga opisyal mula sa DFA Office of Migrant Workers Affairs ang mga nakauwing Pinay sa pag-aasikaso ng kanilang papeles.

Ayon kay Charge d’Affaires Rowena Pangilinan-Daquipil ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi, nagpunta sa UAE ang 51 OFWs  bilang mga turista at nakakuha ng trabaho. Gayunman, kinalaunan ay iniwan sila ng kanilang mga "sponsor" at ahensiya.

Ang iba, naging biktima ng pagmamaltrato, pang-aabuso, at hindi nabayaran ng tamang sahod.

Sinabi pa ni Charge d’Affaires Pangilinan-Daquipil na patuloy na pakikipagtulungan ng embahada sa mga opisyal ng UAE para tugunan ang pangangailangan ng overseas Filipinos, lalo na ang Household Service Workers (HSWs).

Dagdag pa ni Pangilinan-Daquipil, nagpatupad na ang UAE ng mga patakaran para mapangalagaan ang karapatan ng mga OFW sa naturang bansa.

Kasama rito ang paglilipat ng hurisdiksyon ng HSWs mula Ministry of Interior sa Ministry of Human Resources and Emiratization; pagbigay sa mga Filipino domestic workers ng kanilang karapatan sa dispute resolution; pagbubukas ng Tadbeer Centers na magsasagawa ng recruitment ng expatriate workers sa UAE; at pagsisiguro sa mga Pinoy na matatamasa nila ang proteksyong ipinatupad ng bagong UAE Law for Domestic Workers. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News