Inalok ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng tulong ang mga Filipino sa Nicaragua na nais nang umuwi sa Pilipinas dahil sa nangyayaring kaguluhan doon.

"We would like to assure our kababayan in Nicaragua that we are ready to fly them home anytime," saad ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa isang pahayag nitong Huwebes.

Mayroon lamang 86 Pinoy ang nasa Nicaragua, na may nagaganap na kaguluhan dulot ng mga protesta na nagresulta na sa pagkasawi nang mahigit 200 katao.

Ayon kay Cayetano, tatlong Pinoy na ang dumulog sa DFA para sa kanilang voluntary repatriation.

Masusi umanong sinusubaybayan ng Philippine Embassy sa Mexico sa pamamahala ni Ambassador Demetrio Tuason ang sitwasyon sa naturang bansa sa Central American.

Unang nang nagpadala ng grupo si Tuason sa Managua para personal na alamin ang sitwasyon doon. Wala pa namang Filipino na nadadamay sa kaguluhan.— FRJ, GMA News